1 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang Jerusalem, ang lungsod na tinitirhan ni David! Sige, ipagdiwang ng lungsod na ito ang kanyang mga pista bawat taon.
2 Pero lulusubin ko ito, at mag-iiyakan at mananaghoy ang kanyang mga mamamayan. Para sa akin, ang buong lungsod ay magiging parang altar na puno ng dugo.
3 Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem. Paliligiran ko ito ng toreng panalakay at patatambakan ng lupa sa gilid ng mga pader para maakyat ito.
4 Mawawasak ito at magiging parang multo na tumatawag mula sa ilalim ng lupa na ang tinig ay nakakapangilabot.
5 Pero darating ang araw na ang marami niyang kaaway ay magiging parang alikabok o ipa na tatangayin ng hangin. Bigla itong mangyayari sa kanila.
6 Ang Jerusalem ay aalalahanin ko, at ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay darating na may kulog, lindol, ingay, buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy.
7-8 Mawawalang parang panaginip ang maraming bansang sumasalakay sa Jerusalem at gumigiba ng mga pader nito. Ang katulad nilaʼy taong nananaginip na kumakain, pero nang magising ay gutom pa rin; o katulad ng taong nananaginip na umiinom, pero nang magising uhaw pa rin.”
9 Kayong mga taga-Juda, magpakatanga kayo at magpakabulag. Maglasing kayo at magpasuray-suray, pero hindi dahil sa alak.
10 Sapagkat pinatulog kayo ng Panginoon nang mahimbing. Tinakpan niya ang inyong mga ulo at mga mata na walang iba kundi ang inyong mga propeta.
11 Para sa inyo, ang lahat ng ipinahayag na ito sa inyo ay parang aklat na nakasara. Kapag ipinabasa mo sa taong marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ko iyan mabasa dahil nakasara.”
12 At kapag ipinabasa mo sa hindi marunong bumasa, sasabihin niya, “Hindi ako marunong bumasa.”
13 Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong itoʼy nagpupuri at nagpaparangal sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, pero ang puso nilaʼy malayo sa akin. At ang pagsamba nila sa akin ay ayon lamang sa tuntunin ng tao.
14 Kaya muli akong gagawa ng sunud-sunod na kababalaghan sa mga taong ito. At mawawala ang karunungan ng marurunong at ang pang-unawa ng nakakaunawa.”
15 Nakakaawa kayong mga nagtatago ng inyong mga plano sa Panginoon. Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim at sinasabi ninyo, “Walang makakakita o makakaalam ng ginagawa natin.”
16 Baluktot ang pag-iisip ninyo. Itinuturing ninyong parang palayok ang gumagawa ng palayok. Masasabi ba ng palayok sa gumawa sa kanya, “Hindi naman ikaw ang gumawa sa akin”? Masasabi ba ng palayok sa humugis sa kanya, “Wala kang nalalaman”?
17 Hindi magtatagal, ang kagubatan ng Lebanon ay magiging matabang lupain, at ang matabang lupain ay magiging kagubatan.
18 Sa araw na iyon, ang bingi ay makakarinig ng binabasang aklat. At ang bulag, na walang nakikita kundi kadiliman ay makakakita na.
19 Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba at mga dukha dahil sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.
20 Sapagkat mawawala ang mga malulupit at ang mga nangungutya. At mamamatay ang lahat ng mahilig sa pagkakasala,
21 pati na ang lahat ng naninira ng kapwa, ang mga nagsisinungaling para mapaniwala nila ang mga hukom, at ang mga pekeng saksi para hindi mabigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan.
22 Kaya ang Panginoon, ang Dios na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob, “Mula ngayon, wala na silang dapat ikahiya o ikatakot man.
23 Sapagkat kapag nakita nila ang mga ginawa ko sa kanila, igagalang nila ako, ang Banal na Dios ni Jacob. At magkakaroon sila ng takot sa akin, ang Dios ng Israel.
24 Ang mga hindi nakakaunawa ng katotohanan ay makakaunawa na, at ang mga nagrereklamo kapag tinuturuan ay matutuwa na.”