1 Nang marinig ni Haring Hezekia ang balita, pinunit niya ang kanyang damit, nagdamit siya ng sako para ipakita ang kalungkutan niya, at pumunta siya sa templo ng Panginoon para manalangin.
2 Pinapunta niya kay Propeta Isaias na anak ni Amoz sina Eliakim na tagapamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at ang mga punong pari na nakadamit ng sako.
3 Pagdating nila kay Isaias, sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni haring Hezekia: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala ng lakas para iluwal ang kanyang sanggol.
4 Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Dios na buhay. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Dios ang sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”
5 Nang dumating ang mga opisyal, na ipinadala ni Haring Hezekia kay Isaias,
6 sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria.
7 Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.’ ”
8 Nang marinig ng kumander na umalis na sa Lakish ang hari ng Asiria at kasalukuyang nakikipaglaban sa Libna, pumunta siya roon.
9 Nang makatanggap ng balita si Haring Senakerib ng Asiria na lulusubin sila ni Haring Tirhaka ng Etiopia, nagsugo siya ng mga mensahero kay Hezekia para sabihin ito:
10 “Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Dios kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria.
11 Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka?
12 Nailigtas ba ang mga bansang ito ng dios nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko.
13 May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?’ ”
14 Nang makuha ni Hezekia ang sulat mula sa mensahero, binasa niya ito. Pumunta siya sa templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon.
15 Pagkatapos, nanalangin siya,
16 “Panginoon, Dios ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Dios na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang kalangitan at ang mundo.
17 Panginoon, pakinggan nʼyo po ako, at tingnan nʼyo ang mga nangyari. O buhay na Dios, pakinggan nʼyo ang mga sinabi ni Senakerib na lumapastangan sa inyo.
18 Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming mamamayan at mga lupain nila.
19 Winasak nila ang mga dios-diosan ng mga ito sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong dios, kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao.
20 Kaya, Panginoon naming Dios, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Dios.”
21 Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng ganitong mensahe kay Hezekia: Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Dahil nanalangin ka tungkol kay Haring Senakerib ng Asiria,
22 ito ang sinabi ko laban sa kanya: “Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka.
23 Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo? Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo? Hindi baʼt ako, ang Banal na Dios ng Israel?
24 Kinutya mo ako sa pamamagitan ng iyong mga sugo. Sinabi mo pa, ‘Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe naakyat ko ang matataas na mga bundok pati ang tuktok ng bundok ng Lebanon. Pinutol ko ang pinakamataas na mga puno ng sedro at natatanging sipres nito. Nakarating ako sa tuktok na may makapal na kagubatan.
25 Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar at uminom ng tubig mula rito. Sa pagdaan ko, natuyo ang mga sapa sa Egipto.’
26 “Totoo ngang winasak mo ang mga napapaderang lungsod. Pero hindi mo ba alam na matagal ko nang itinakda iyon? Mula pa noon, naplano ko na ito at ngayon ginagawa ko na ito.
27 Ang mga mamamayan ng mga lungsod na iyong nilipol ay nawalan ng lakas. Natakot sila at napahiya. Para silang mga damo sa parang na madaling malanta, o mga damong tumutubo sa bubungan ng bahay na pagkatapos tumubo ay nalanta rin agad.
28 “Pero alam ko ang lahat tungkol sa iyo,kung saan ka nananatili, kung saan ka galing, kung saan ka pupunta, at kung gaano katindi ang galit mo sa akin.
29 Dahil narinig ko ang galit mo at ang pagmamayabang sa akin, lalagyan ko ng kawit ang ilong mo, at bubusalan ko ang bibig mo, at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan, sa daan na iyong tinahak.”
30 Sinabi pa ni Isaias kay Hezekia, “Ito ang tanda na iingatan ng Panginoon ang Jerusalem sa mga taga-Asiria: Sa taon na ito, ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumutubo lang ang kakainin ninyo. At sa susunod na taon, ang mga bunga naman ng mga tanim na tumubo mula sa mga dating tanim lang ang kakainin ninyo. Pero sa ikatlong taon, makakapagtanim na kayo ng trigo at makakaani. Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas at makakakain ng mga bunga nito.
31 At ang mga natirang buhay sa Juda ay muling uunlad, katulad ng tanim na nagkakaugat ng malalim at namumunga.
32 Sapagkat may mga matitirang buhay na mangangalat mula sa Jerusalem, sa Bundok ng Zion. Titiyakin ng Panginoong Makapangyarihan na itoʼy magaganap.
33 “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi nga siya makakapana kahit isang palaso rito. Hindi siya makakalapit na may pananggalang o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod para lusubin ito.
34 Babalik siya sa pinanggalingan niya, sa daan na kanyang tinahak. Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, hindi siya makakapasok sa lungsod na ito.
35 Iingatan at ililigtas ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil sa pangako ko kay David na aking lingkod.”
36 Pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay.
37 Dahil dito, umuwi si Senakerib sa Nineve at doon na tumira.
38 Isang araw, habang sumasamba si Senakerib sa templo ng dios niyang si Nisroc, pinatay siya ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Adramelec at Sharezer sa pamamagitan ng espada at tumakas ang mga ito papunta sa Ararat. At ang anak niyang si Esarhadon ang pumalit sa kanya bilang hari.