Isaias 17 ASND

Ang Mensahe Tungkol sa Damascus

1 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Damascus: “Makinig kayo! Ang Damascus ay hindi na magiging lungsod dahil magigiba ito.

2 Wala nang titira sa lungsod ng Aroer. Magiging pastulan na lamang ito ng mga hayop, at walang gagambala sa kanila roon.

3 Mawawasak ang mga napapaderang mga lungsod ng Israel, at mawawala ang kapangyarihan ng Damascus. Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.

4 “Pagdating ng araw na iyon, mawawala na ang kapangyarihan ng Israel, at ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.

5 Matutulad siya sa taniman ng mga butil na ginapas na ng mga nag-aani, tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim pagkatapos ng anihan.

6 Iilan lang ang matitira sa kanyang mga mamamayan. Matutulad siya sa puno ng olibo pagkatapos pitasin ang mga bunga. Maaaring dalawa o tatlo lamang ang bungang matitira sa pinakamataas na mga sanga, at apat o limang bunga sa ibang mga sanga. Ako, ang Panginoong Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”

7 Sa araw na iyon, lalapit na ang mga tao sa lumikha sa kanila, sa Banal na Dios ng Israel.

8 Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila mismo ang gumawa. Hindi na rin nila papansinin ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, pati ang mga altar na pinagsusunugan nila ng insenso na gawa rin lang ng kanilang mga kamay.

9 Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay mawawasak at iiwan na lang nila, katulad ng mga lungsod ng mga Amoreo at Hiveo na iniwan ng mga ito nang dumating ang mga Israelita.

10 Kinalimutan ninyo ang Dios na inyong Tagapagligtas at Bato na kanlungan. Kaya kahit na magtanim kayo ng magagandang klaseng tanim, katulad ng ubas na galing sa ibang lugar,

11 at kahit na tumubo ito at mamulaklak sa araw din na inyong itinanim, wala kayong makukuhang bunga. Nagpagod lang kayo at naghirap.

12 Tingnan nʼyo! Nagkakagulo ang napakaraming tao mula sa mga bansa. Ang ingay nila ay parang ugong ng malalaking alon.

13 Pero kahit na katulad sila ng malalaking alon na umuugong, tatakas sila kapag sinaway sila ng Dios. Matutulad sila sa ipa sa mga burol na ipinapadpad ng hangin at ng dayaming tinatangay ng ipu-ipo.

14 Sa gabiʼy naghahasik sila ng lagim, pero kinaumagahan nilipol sila. Iyan ang mangyayari sa mga sumasalakay sa atin at mananamsam ng mga ari-arian natin.