1 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon.
2 Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli.
3 Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa.
4 Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader,
5 at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.
6 Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda.
7 At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan ng mga tao sa lahat ng bansa.
8 Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.
9 Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”
10 Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, pero parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya ito na parang dayami sa tapunan ng dumi.
11 Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Pero kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas.
12 Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.