1 Ang mga taga-Moab na nagsitakas sa Sela, na isang bayan sa ilang ay nagpadala ng mga batang tupa bilang regalo sa hari ng Jerusalem.
2 Ang mga babaeng taga-Moab na nasa tawiran ng Arnon ay parang mga ibong binulabog sa kanilang mga pugad.
3 Sinabi ng mga taga-Moab sa mga taga-Juda, “Payuhan ninyo kami kung ano ang dapat naming gawin. Kalingain ninyo kami, tulad ng lilim na ibinibigay ng punongkahoy sa tanghaling-tapat. Nagsitakas kami mula sa aming bayan, at ngayon ay wala nang sariling tahanan. Kupkupin nʼyo sana kami at huwag pababayaan.
4 Patirahin nʼyo sana kaming mga taga-Moab sa inyong lupain. Ipagtanggol nʼyo kami sa mga gustong pumatay sa amin.”Matitigil ang mga pang-aapi at pamumuksa. At mawawala na ang pang-aapi sa lupain ng Israel.
5 At maghahari ang isa sa mga angkan ni David na may katapatan at pag-ibig. Paiiralin niya ang katarungan sa kanyang paghatol. At masigasig siyang gagawa ng matuwid.
6 Nabalitaan naming masyadong mapagmalaki ang mga taga-Moab. Ang pagmamataas at kahambugan nila ay walang kabuluhan.
7 Kaya iiyakan ng mga taga-Moab ang kanilang bansa. Iiyak silang lahat dahil sa pagkawala ng masasarap nilang pagkain sa Kir Hareset.
8 Nasira ang mga bukid sa Heshbon pati na ang mga ubasan sa Sibma. Winasak ng mga pinuno ng mga bansa ang mga ubasan hanggang sa Jazer patungo sa disyerto at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay.
9 Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer, dahil sa ubasan ng Sibma. Iniiyakan ko ang Heshbon at Eleale dahil hindi na maririnig ang masasaya nilang hiyawan dahil sa masaganang ani.
10 Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan sa kanilang mga ubasan. Wala nang umaawit o humihiyaw sa mga ubasan. Wala na ring pumipisa ng ubas para gawing alak. Pinatigil na ng Panginoon ang kanilang hiyawan.
11 Kaya nalulungkot ako sa sinapit ng Moab na katulad ng malungkot na tugtugin ng alpa. Nalulungkot din ako sa sinapit ng Kir Hareset.
12 Mapapagod lang ang mga taga-Moab sa kababalik sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar. At wala ring kabuluhan ang kanilang pagpunta nila sa templo para manalangin.
13 Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab.
14 At ngayon, ito ang kanyang sinabi, “Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang kayamanan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa.”