1 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang kanyang matalim at makapangyarihang espada para patayin ang Leviatan, ang maliksi at gumagapang na dragon sa karagatan.
2 “Sa araw na iyon, aawit kayo tungkol sa ubasan na umaani nang sagana, na larawan ng aking bayan.
3 Ako ang Panginoon na nag-aalaga ng ubasan. Dinidiligan ko ito at binabantayan araw-gabi para hindi masira.
4 Hindi na ako galit sa ubasang ito. Pero sa sandaling may makita akong mga halamang may tinik, tatanggalin ko iyon at susunugin.
5 Pero maliligtas siya kung siyaʼy makikipagkaibigan at hihingi ng kalinga sa akin.”
6 Darating ang araw na ang mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob ay magkakaugat tulad ng halaman. Magkakasanga ito, mamumulaklak, at mamumunga ng marami at pupunuin ang buong mundo.
7 Hindi pinaparusahan ng Dios ang Israel katulad ng pagpaparusa niya at pagpatay sa mga kaaway nila.
8 Ipinabihag ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan bilang parusa sa kanila. Ipinatangay niya sila sa napakalakas na hangin mula sa silangan.
9 Mapapatawad lang sila kung gigibain nila ang mga altar nilang bato at kung didikdikin ng pino at itatapon ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, at ang mga altar na sinusunugan nila ng insenso.
10 Nawasak na ang napapaderang lungsod. Para na itong ilang. Wala nang nakatira rito. Naging pastulan na lang ito at pahingahan ng mga baka. Inubos ng mga baka ang mga dahon ng mga sanga.
11 At nang mabali at matuyo ang mga sanga, tinipon ito ng mga babae at ginawang panggatong. Dahil sa walang pang-unawa ang mga taong ito, hindi sila kaaawaan ng Dios na lumikha sa kanila.
12 Sa araw na iyon, titipunin ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa daluyan ng tubig ng Egipto na parang nagtitipon ng mga butil sa giikan.
13 Pagtunog ng trumpeta nang malakas, magsisibalik sa Jerusalem ang nahihirapang mga Israelita na binihag ng Asiria at Egipto. At sasambahin nila ang Panginoon, sa banal na bundok ng Jerusalem.