1 Panginoon, punitin nʼyo po ang kalangitan. Bumaba kayo, at yayanig ang mga bundok kapag nakita kayo.
2 Kung papaanong ang apoy ay nakapagpapaliyab ng tuyong mga sanga at nakapagpapakulo ng tubig, ang pagdating naman ninyo ay makapagpapanginig ng mga bansang kaaway nʼyo, at malalaman nila kung sino kayo.
3 Noong bumaba po kayo at gumawa ng mga kahanga-hangang mga bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong presensya.
4 Mula noon hanggang ngayon wala pang nakarinig o nakakita ng Dios na katulad nʼyo na tumutulong sa mga nagtitiwala sa kanya.
5 Tinatanggap nʼyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Pero nagalit po kayo sa amin dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga pamamaraan. Kaya papaano kami maliligtas?
6 Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin.
7 Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan nʼyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan.
8 Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat.
9 Panginoon, huwag nʼyo naman pong lubusin ang inyong galit sa amin o alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na dinggin nʼyo kami, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan.
10 Ang mga banal nʼyong lungsod, pati ang Jerusalem ay naging parang ilang na walang naninirahan.
11 Nasunog ang aming banal at magandang templo, kung saan po kayo sinasamba ng aming mga ninuno. Nawasak ang lahat ng bagay na mahalaga sa amin.
12 Sa kalagayan naming ito, Panginoon, kami po ba ay ayaw nʼyo pa ring tulungan? Kayo po ba ay tatahimik na lamang, at parurusahan kami ng lubusan?