1 Sa mga araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila, “Kami na ang bahala sa pagkain at damit namin, pakasalan mo lang kami para hindi kami kahiya-hiya dahil wala kaming asawa.”
2 Darating ang araw na pasasaganain at pagagandahin ng Panginoon ang mga pananim sa Israel, at ang mga ani ng lupain ay magiging karangalan at kaligayahan ng natitirang mga tao sa Jerusalem.
3 Tatawaging banal ang mga natirang buhay sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.
4 Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, hahatulan niya at lilinisin ang kasamaan ng mga babae sa Jerusalem at ang mga patayan doon.
5 Pagkatapos, lilikha ang Panginoon ng ulap na lililim sa ibabaw ng Jerusalem at sa mga nagtitipon doon. Lilikha rin siya ng nagniningas na apoy na magbibigay ng liwanag kung gabi. Tatakip ito sa Jerusalem na parang isang malapad na tolda,
6 at parang kubol na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa panahon ng bagyo at ulan.