1 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Egipto:Makinig kayo! Ang Panginoon ay nakasakay sa ulap at mabilis na pumunta sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga dios-diosan ng Egipto, at kinakabahan ang mga Egipcio.
2 Sinabi ng Panginoon, “Pag-aawayin ko ang mga taga-Egipto: Kapatid laban sa kapatid, kapitbahay laban sa kapitbahay, lungsod laban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian.
3 Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista.
4 Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.
5 Matutuyo ang Ilog ng Nilo.
6 Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib,
7 ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito.
8 Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo,
9 at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen.
10 Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.
11 Hangal ang mga pinuno ng Zoan! Kinikilala silang mga pinakamatalinong tagapayo ng Faraon, pero ang kanilang mga payo ay walang kabuluhan. Paano nila nasabi sa Faraon, “Lahi kami ng matatalino at ng mga hari noong unang panahon.”
12 Faraon, nasaan na ngayon ang matatalino mong tao? Kung talagang matatalino sila, itanong mo kung ano ang plano ng Panginoong Makapangyarihan para sa Egipto.
13 Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis. Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila.
14 Ginugulo ng Panginoon ang isip ng mga Egipcio. Pamali-mali ang mga hakbang na kanilang ginagawa. Para silang mga lasing na pasuray-suray at nagsusuka.
15 Walang sinuman sa buong Egipto, mayaman man o mahirap, marangal man o aba, ang makakatulong sa kanyang bansa.
16 Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Egipto ay magiging mahina na parang babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoong Makapangyarihan.
17 Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoong Makapangyarihan laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lungsod ng Egipto ang susunod sa Panginoong Makapangyarihan, at magsasalita sila sa wikang Hebreo. Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.
19 Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Egipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito.
20 Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoong Makapangyarihan sa lupain ng Egipto. Kung ang mga taga-Egipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan sila ng magliligtas at kakalinga sa kanila.
21 Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Magsisipanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon.
22 Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Egipto, pero pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon, at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Egipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Egipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Egipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba.
24 Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Egipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo.
25 Pagpapalain sila ng Panginoong Makapangyarihan at sasabihin, “Pinagpapala ko ang mga taga-Egipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko.”