1 “Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng Panginoon at tumatawag sa Dios ng Israel. Pero pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay.
2 Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Dios ng Israel, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan.”
3 Sinabi niya sa inyo, “Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan.
4 Alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso.
5 Kaya sinabi ko na agad sa inyo ang aking gagawin. Noong hindi pa ito nangyayari, sinabi ko na ito sa inyo para hindi ninyo masabing ang inyong mga rebultong dios-diosan na gawa sa kahoy at bakal ang siyang humula at nagsagawa nito.
6 Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam.
7 Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo.
8 Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo.
9 Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol.
10 Lilinisin ko kayo pero hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap.
11 Gagawin ko ito para sa aking karangalan. Hindi ako papayag na ako ay mapahiya at ang mga dios-diosan ay maparangalan.
12 “Makinig kayo sa akin, kayong mga taga-Israel na aking pinili. Ako ang Dios; ako ang pasimula at ang wakas ng lahat.
13 Ako ang naglagay ng pundasyon ng mundo at ako rin ang nagladlad ng langit. Kapag nag-utos ako sa mga ito, itoʼy sumusunod.
14 “Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga dios-diosan ang humulang lulusubin ng aking kaibigan ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa ko laban sa bansang iyon? Wala!
15 Ako ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Sinugo ko siya at pinagtagumpay sa kanyang ginawa.
16 Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na nangyari ang sinabi ko, naroon ako.”At ngayon sinugo ako ng Panginoong Dios at ng kanyang Espiritu na sabihin ito:
17 “Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel: Ako ang Panginoon na inyong Dios na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan.
18 Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay ay sunud-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan.
19 Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”
20 Umalis kayo sa Babilonia! Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.
21 Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Dios sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig.
22 Pero ang masasama ay hindi magkakaroon ng kapayapaan, sabi ng Panginoon.