1 Noong si Ahaz na anak ni Jotam at apo ni Uzia ang hari ng Juda, sinalakay ang Jerusalem. Sinalakay ito ni Haring Rezin ng Aram at ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Pero hindi nila naagaw ang Jerusalem.
2 Nang mabalitaan ng hari ng Juda na nagkampihan ang Aram at Israel, siya at ang mga mamamayan niya ay nanginig sa takot. Nanginig sila na parang punong niyayanig ng hangin.
3 Sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Isama mo ang anak mong si Shear Jashub at salubungin ninyo si Ahaz sa dulo ng daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig, malapit sa daan papunta sa pinaglalabahan.
4 Ito ang sasabihin mo sa kanya, ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag kang kabahan dahil sa tindi ng galit nina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka na anak ni Remalia. Ang dalawang itoʼy parang mga tuod ng puno na umuusok pero walang apoy.
5 Nagplano sila ng masama laban sa iyo. Nagkasundo sila at sinabi,
6 “Lusubin natin ang Juda at sakupin. Pagkatapos, paghati-hatian natin ang kanyang lupain at gawing hari roon ang anak ni Tabeel.”
7 “ ‘Pero sinabi ng Panginoong Dios na hindi mangyayari iyon.
8-9 Sapagkat ang Damascus ay kabisera lang ng Aram, at si Rezin ay sa Damascus lang naghahari. At ang Samaria ay kabisera lang ng Israel, at si Peka na anak ni Remalia ay sa Samaria rin lang naghahari. Tungkol naman sa Israel, mawawasak ito sa loob ng 65 taon, at hindi na ito matatawag na bansa. Kung hindi matatag ang pananalig nʼyo sa Dios, tiyak na mapapahamak kayo.’ ”
10 Muling nangusap ang Panginoon kay Ahaz,
11 “Ako ang Panginoon na iyong Dios. Humingi ka sa akin ng palatandaan bilang patunay na gagawin ko ang aking ipinangako. Kahit magmula man ito sa ilalim, doon sa lugar ng mga patay, o sa itaas, doon sa langit.”
12 Pero sumagot si Ahaz, “Hindi ako hihingi ng palatandaan. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
13 Sinabi ni Isaias, “Makinig kayong mga angkan ni David. Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa pang-iinis nʼyo sa mga tao? At ngayon, ang Dios ko naman ang iniinis ninyo?
14 Dahil dito, ang Panginoon na mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Magbubuntis ang isang birhen, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Emmanuel.
15-16 Bago siya magkaisip at makakain ng keso at pulot, ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo, Ahaz, ay mawawasak at pababayaan na lang.
17 Pero darating ang araw na ikaw at ang mga mamamayan mo, pati na ang sambahayan mo, ay ipapalusob ng Panginoon sa hari ng Asiria. At mararanasan ninyo ang hirap na hindi pa ninyo naranasan mula nang humiwalay ang Israel sa Juda.”
18 Sa araw na iyon, sisipulan ng Panginoon ang mga taga-Egipto at Asiria. Darating ang mga taga-Egipto na parang mga langaw mula sa malalayong ilog ng Egipto. Darating din ang mga taga-Asiria na parang mga pukyutan.
19 At ang mga ito ay maninirahan sa lahat ng dako: sa matatarik na lambak, sa mga kweba ng mga bangin, sa mga halamang matitinik, at sa mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang hari ng Asiria para lubusang wasakin ang inyong lupain. Magmimistula siyang isang barbero na galing sa kabila ng Ilog ng Eufrates na binayaran para ahitin ang inyong buhok, balahibo, at balbas.
21 Sa panahong iyon, ang maaalagaan lamang ng bawat tao ay tig-iisang dumalagang baka at dalawang kambing,
22 na siyang pagkukunan nila ng gatas. Keso at pulot ang magiging pagkain ng lahat ng naiwan sa Juda.
23 Sa panahon ding iyon, ang ubasan na may 1,000 puno na nagkakahalaga ng 1,000 pirasong pilak ay maging masukal at mapupuno ng halamang may tinik.
24 Mangangaso ang mga tao roon na dala ang kanilang mga pana at sibat dahil naging masukal na ito at puno ng mga halamang may tinik.
25 Wala nang pupunta sa mga burol na dating tinataniman, dahil masukal na at puno ng mga halamang may tinik. Magiging pastulan na lang ito ng mga baka at tupa.