Isaias 31 ASND

Kawawa ang mga Nagtitiwala sa Egipto

1 Nakakaawa kayong humihingi ng tulong sa Egipto. Umaasa kayo sa mabibilis nilang kabayo, sa marami nilang karwahe, at malalakas na sundalong nangangabayo. Pero hindi kayo nagtitiwala sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at hindi kayo humihingi ng tulong sa kanya.

2 Sa karunungan ng Dios, magpapadala siya ng salot, at talagang gagawin niya ang kanyang sinabi. Paparusahan niya ang pamilya ng masasama at ang mga tumutulong sa kanila.

3 Ang mga taga-Egipto ay mga tao lang din at hindi Dios. Ang mga kabayo nilaʼy hindi naman mga espiritu, kundi tulad lang din ng ibang mga kabayo. Kapag nagparusa na ang Panginoon, mawawasak ang Egipto pati ang mga bansa na tinulungan nito. Pare-pareho silang mawawasak.

4 Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Walang makakapigil sa leon sa paglapa niya sa kanyang biktima kahit na magsisigaw pa ang mga nagbabantay ng mga hayop. Katulad ko rin, walang makakapigil sa akin para ingatan ang Bundok ng Zion.

5 Ako ang Panginoong Makapangyarihan, babantayan ko ang Jerusalem na parang ibon na nagbabantay sa kanyang pugad. Iingatan ko ito, ililigtas, at hindi pababayaan.”

6 Mga Israelita, magbalik-loob kayo sa Panginoong labis na ninyong sinuway.

7 Sapagkat darating ang araw na itatakwil ninyo ang inyong mga dios-diosang pilak at ginto na kayo mismo ang gumawa dahil sa inyong pagiging makasalanan.

8 Mamamatay ang mga taga-Asiria, pero hindi sa pamamagitan ng espada ng tao. Tatakas sila mula sa digmaan, at magiging alipin ang kanilang mga kabataan.

9 Tatakas ang kanilang mga kawal dahil sa takot, pati ang kanilang mga pinuno ay hindi na malaman ang gagawin kapag nakita nila ang bandila ng kanilang mga kaaway. Iyan ang sinabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nagniningas sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.