Isaias 44 ASND

Ang Panginoon Lamang ang Dios

1 “Pero ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob.

2 Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod at pinili ko.

3 Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila.

4 Lalago sila na parang halaman na nasa tabi ng masaganang tubig o mga puno sa tabi ng ilog.

5 May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.

Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan

6 “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoong Makapangyarihan: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Dios.

7 Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa harap ko kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap.

8 Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang mga saksi ko. Mayroon pa bang ibang Dios maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na may iba pang Bato na kanlungan maliban sa akin.”

9 Walang kwentang tao ang mga gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. At ang mga rebultong ito na labis nilang pinahahalagahan ay walang halaga. Sila rin ang makakapagpatunay na ang mga iyon ay wala ring halaga. Sapagkat ang mga iyon ay hindi nakakakita at walang nalalaman. Kaya nga napapahiya ang mga sumasamba sa mga iyon.

10 Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong hindi naman napapakinabangan.

11 Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin.

12 Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso para maghugis rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw.

13 Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit para ilagay sa isang templo.

14 At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng abeto, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito.

15 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagamit niyang panggatong para pampainit at panluto ng pagkain. At ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawa niyang rebulto na niluluhuran at sinasamba.

16 Ang ibang piraso naman ay ipinanggagatong niya at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne, pagkatapos ay kumakain at nabubusog. Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya, “Ang sarap ng init.”

17 At ang ibang piraso ay ginagawa niyang rebulto at sa rebultong itoʼy nananalangin siya ng ganito, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking dios.”

18 Hindi alam at hindi nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Tinakpan ang mga mata nila kaya hindi sila makakita. Tinakpan din ang kanilang mga isip, kaya hindi sila makaunawa.

19 Walang nakakaisip na magsabi, “Ang kaputol ng kahoy ay ipinangluto ko ng pagkain, ipinang-ihaw ng karne, at aking kinain. Gagawin ko bang kasuklam-suklam na rebulto ang natirang kahoy? Sasambahin ko ba ang isang pirasong kahoy?”

20 Ang mga gumagawa nitoʼy parang kumain ng abo. Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya, at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili. At hindi siya papayag na ang rebultong nasa kanya ay hindi dios.

21 Sinabi pa ng Panginoon, “Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan.

22 Ang mga kasalanan moʼy parang ulap o ambon na pinaglaho ko na. Manumbalik ka sa akin para mailigtas kita.”

23 O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel.

24 Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo: Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo.

25 Binigo ko ang mga hula ng mga huwad na propeta. At ginagawa kong mangmang ang mga nanghuhula. Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong at ginagawa kong walang kabuluhan ang kanilang nalalaman.

26 Pero tinutupad ko ang propesiya ng aking mga lingkod at mga tagapagsalita. Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan, at ang iba pang bayan ng Juda na nagiba ay muling itatayo.

27 Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog, matutuyo nga ito.

28 Sinabi ko kay Cyrus, “Ikaw ang tagapagbantay ng aking mga mamamayan at gagawin mo ang lahat ng nais ko. Mag-uutos ka na muling itayo ang Jerusalem at ang templo roon.”