1 Kapag namatay ang isang taong matuwid, walang gaanong nagtatanong kung bakit. Walang gaanong nakakaalam na ang mga taong matuwid ay kinukuha ng Dios para ilayo sa masama.
2 Sapagkat kapag namatay ang taong matuwid, magkakaroon na siya ng kapayapaan at kapahingahan.
3 Pero kayong mga lahi ng mga mangkukulam, ng mga nangangalunya, at ng mga babaeng bayaran, lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan.
4 Kinukutya ninyo ang mga taong matuwid, nginingiwian at binebelatan ninyo sila. Lahi kayo ng mga rebelde at mga sinungaling.
5 Sinasamba ninyo ang inyong mga dios-diosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy na itinuturing nʼyong banal. Inihahandog ninyo ang inyong mga anak sa mga daluyan ng tubig sa paanan ng mga burol.
6 Ang mga batong makikinis sa mga daluyan ng tubig ay ginagawa ninyong dios at sinasamba sa pamamagitan ng paghahandog ng pagkain at inumin. Hindi ako natutuwa sa ginagawa ninyong iyan.
7 Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok at naghahandog ng inyong mga handog doon at nakikipagtalik.
8 Inilalagay pa ninyo ang mga rebulto ng inyong mga dios-diosan malapit sa pintuan ng inyong mga bahay. Itinatakwil ninyo ako. Para kayong babaeng mangangalunya na nahiga sa malapad niyang higaan at pumayag na sumiping sa kanyang kalaguyo. Gustong-gusto niyang makipagtalik sa kalaguyo niya. Talagang nagpapakasawa siya sa pita ng kanyang laman.
9 Pumunta kayo sa dios-diosan ninyong si Molec. Marami ang dala ninyong langis at pabango. Nagsugo pa kayo ng mga tao sa malayong lugar para maghanap ng mga dios-diosang sasambahin ninyo. Kahit na ang lugar ng mga patay ay parang pupuntahan nʼyo pa.
10 At kahit pagod na kayo sa kakahanap ng mga dios-diosan, hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili kaya hindi kayo nanghihina.
11 Sinabi ng Panginoon, “Sino ba itong mga dios-diosan na kinatatakutan nʼyo at nagsinungaling kayo sa akin? Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin. Ano ba ang dahilan, bakit hindi nʼyo na ako iginagalang? Dahil ba sa nanahimik ako sa loob ng mahabang panahon?
12 Ang akala ninyoʼy matuwid ang inyong ginagawa, pero ipapakita ko kung anong klaseng tao kayo.
13 At hindi talaga makakatulong sa inyo ang inyong mga dios-diosan kapag humingi kayo ng tulong sa kanila. Silang lahat ay tatangayin ng hangin. At mapapadpad sila sa isang ihip lamang. Pero ang mga nagtitiwala sa akin ay maninirahan sa lupa at sasamba sa aking banal na bundok.
14 Sasabihin ko, ayusin ninyo ang daan na dadaanan ng aking mga mamamayan.”
15 Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Dios, ang Banal na Dios na nabubuhay magpakailanman: “Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero nakatira rin akong kasama ng mga taong mapagpakumbaba at nagsisisi, para silaʼy palakasin ko.
16 Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin o uusigin habang panahon, dahil kung gagawin ko ito mamamatay ang mga taong nilikha ko.
17 Nagalit ako dahil sa kasalanan at kasakiman ng Israel, kaya pinarusahan ko sila at itinakwil. Pero patuloy pa rin sila sa kanilang kasalanan.
18 Nakita ko ang kanilang pag-uugali, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at aaliwin ang mga nalulungkot sa kanila.
19 At dahil dito, magpupuri sila sa akin. Ilalagay ko sila sa magandang kalagayan, sa malayo man o nasa malapit. Pagagalingin ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
20 Pero ang masasama ay walang kapayapaan. Para silang alon sa dagat na nagdadala ng mga putik at mga dumi sa dalampasigan.
21 Ang taong masama ay hindi mabubuhay ng payapa.” Iyan ang sinabi ng aking Dios.