1 Makinig kayo! Ang Panginoon ay hindi mahina para hindi makapagligtas. Hindi rin siya bingi para hindi makarinig kapag tumawag kayo sa kanya.
2 Ang inyong mga kasalanan ang siyang naglayo sa inyo sa Dios at iyon ang dahilan kung bakit niya kayo tinalikuran at ayaw nang makinig sa inyong mga dalangin.
3 Pumapatay kayo ng tao, at gumagawa pa ng ibang kasamaan. Nagsisinungaling kayo at nagsasalita ng masama.
4 Wala sa isip ninyo ang katarungan; ang mga bintang ninyo sa inyong kapwa ay puro mga kasinungalingan. Ang inyong iniisip ay masama, at iyon ay inyong ginagawa.
5-6 Ang masasamang plano nʼyo ay parang itlog ng makamandag na ahas; ang sinumang kumain nito ay mamamatay. Katulad din ito ng bahay ng gagamba na hindi maaaring gawing damit kaya walang kabuluhan ang masasama ninyong plano. Masama ang ginagawa nʼyo at namiminsala kayo.
7 Nagmamadali kayong gumawa ng masama at mabilis ang kamay ninyong pumatay ng walang kasalanan. Palaging masama ang iniisip ninyo, at kahit saan kayo pumunta ay wala kayong ginawa kundi kapahamakan at kasiraan.
8 Wala kayong alam tungkol sa mapayapang pamumuhay. Binabalewala ninyo ang katarungan at binabaluktot pa ninyo ito. Ang sinumang sumunod sa inyong mga ginagawa ay hindi rin makakaranas ng mapayapang pamumuhay.
9 Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim.
10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas.
11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari.
12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama.
13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan.
14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan.
15 Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig.Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan.
16 Nagtataka siya sa kanyang nakita na wala kahit isa man na tumutulong sa mga inaapi. Kung kaya, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila. At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila.
17 Gagamitin niyang panangga sa dibdib ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan. Isusuot niya na parang damit ang paghihiganti at ang matindi niyang galit.
18 Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, pati na ang mga nasa malalayong lugar. Madadama nila ang kanyang galit.
19 Igagalang siya at dadakilain kahit saan, dahil darating siya na parang rumaragasang tubig na pinapadpad ng napakalakas na hangin.
20 Sinabi ng Panginoon, “Darating sa Zion ang magliligtas sa inyong mga lahi ni Jacob, at kanyang ililigtas ang mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan.
21 At ito ang kasunduan ko sa inyo: Hindi mawawala ang aking Espiritu na nasa inyo at ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak, at kailangang sabihin din ito ng inyong mga anak sa kanilang mga anak hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”