9 At ngayon, tingnan nʼyo! May dumarating na mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo.” At sinabi pa ng bantay, “Nawasak na ang Babilonia! Ang lahat ng imahen ng kanyang mga dios-diosan ay nagbagsakan sa lupa at nawasak lahat.”
10 Pagkatapos, sinabi ko, “Mga kapwa kong mga Israelita, na parang mga trigong ginigiik, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na aking napakinggan sa Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel.”
11 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Edom:May taong mula sa Edom na palaging nagtatanong sa akin, “Tagapagbantay, matagal pa ba ang umaga?”
12 Sumagot ako, “Mag-uumaga na pero sasapit na naman ang gabi. Kung gusto mong magtanong ulit bumalik ka na lang.”
13 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Arabia:Kayong mga mamamayan ng Dedan, na pulu-pulutong na naglalakbay at nagkakampo sa mga ilang ng Arabia,
14 bigyan ninyo ng tubig ang mga nauuhaw. Kayong mga nakatira sa Tema, bigyan ninyo ng pagkain ang mga taong nagsitakas mula sa kani-kanilang mga lugar.
15 Tumakas sila mula sa mahigpit na labanan at hinahabol sila ng kanilang mga kaaway na may mga espada at mga pana.