15 Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing, “Nakipagkasundo kami sa kamatayan para hindi kami mamatay, at nakipagkasundo kami sa lugar ng mga patay para hindi kami madala roon. Kung kaya, hindi kami mapapahamak kahit na dumating ang mga sakuna na parang baha, dahil sa kami ay umaasang maliligtas sa pamamagitan ng aming pagsisinungaling at pandaraya.”
16 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Makinig kayo! Maglalagay ako ng batong pundasyon sa Zion, batong maaasahan, matibay, at mahalaga. Ang mga sumasampalataya sa kanya ay huwag maging padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa.
17 Gagawin kong sukatan ang katarungan at katuwiran. Ipapatangay ko sa bagyo at baha ang kasinungalingan na inaasahan ninyong makakapagligtas sa inyo.
18 Magiging walang kabuluhan ang pakikipagkasundo ninyo sa kamatayan at ang pakikipagkasundo ninyo sa lugar ng mga patay. Sapagkat mapapahamak kayo kapag dumating na ang mga sakuna na parang baha.
19 Palagi itong darating sa inyo, araw-araw, sa umaga at sa gabi, at tiyak na mapapahamak kayo.”Matatakot kayo kapag naunawaan ninyo ang mensaheng ito.
20 Sapagkat kayoʼy matutulad sa taong maiksi ang higaan at makitid ang kumot.
21 Ang totoo, sasalakay ang Panginoon katulad ng ginawa niya sa Bundok ng Perazim at sa Lambak ng Gibeon. Gagawin niya ang hindi inaasahan ng kanyang mga mamamayan.