1 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang Jerusalem, ang lungsod na tinitirhan ni David! Sige, ipagdiwang ng lungsod na ito ang kanyang mga pista bawat taon.
2 Pero lulusubin ko ito, at mag-iiyakan at mananaghoy ang kanyang mga mamamayan. Para sa akin, ang buong lungsod ay magiging parang altar na puno ng dugo.
3 Kukubkubin ko ang lungsod ng Jerusalem. Paliligiran ko ito ng toreng panalakay at patatambakan ng lupa sa gilid ng mga pader para maakyat ito.
4 Mawawasak ito at magiging parang multo na tumatawag mula sa ilalim ng lupa na ang tinig ay nakakapangilabot.
5 Pero darating ang araw na ang marami niyang kaaway ay magiging parang alikabok o ipa na tatangayin ng hangin. Bigla itong mangyayari sa kanila.
6 Ang Jerusalem ay aalalahanin ko, at ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay darating na may kulog, lindol, ingay, buhawi, bagyo, at nagliliyab na apoy.
7-8 Mawawalang parang panaginip ang maraming bansang sumasalakay sa Jerusalem at gumigiba ng mga pader nito. Ang katulad nilaʼy taong nananaginip na kumakain, pero nang magising ay gutom pa rin; o katulad ng taong nananaginip na umiinom, pero nang magising uhaw pa rin.”