1 Makinig kayo! Kukunin ng Panginoon, ang Panginoong Makapangyarihan, ang lahat ng inaasahan ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda: ang pagkain at tubig nila,
2 ang mga bayani, kawal, hukom, propeta, manghuhula, tagapamahala,
3 kapitan ng mga kawal, mararangal na tao, mga tagapayo, at ang mga dalubhasang salamangkero nila at mga manggagayuma.
4 Ang pamumunuin ng Panginoon sa kanila ay mga kabataan.
5 Aapihin ng bawat isa ang kanyang kapwa. Lalabanan ng mga bata ang matatanda, at lalabanan ng mga hamak ang mararangal.
6-7 Sa mga araw na iyon, pupuntahan ng isang tao ang kanyang kamag-anak at sasabihin, “Maayos pa naman ang damit mo, ikaw na lang ang mamuno sa amin sa panahong ito na wasak ang ating lugar.” Pero sasagot siya, “Hindi ko kayo matutulungan. Wala ring pagkain o damit ang aking pamilya, kaya huwag nʼyo akong gagawing pinuno.”
8 Tiyak na mawawasak ang Jerusalem at Juda, dahil nilalabag nila ang Panginoon sa kanilang mga salita at gawa. Nilalapastangan nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon.