7 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?”
8 Sinabi pa ng kumander, “Ngayon, inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo.
9 Hindi ka talaga mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo.
10 At isa pa, iniisip mo bang labag sa Panginoon ang pagpunta ko rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”
11 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil ang wikang ito ay naiintindihan din namin. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.”
12 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”
13 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mga mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria!