20 Kaya, Panginoon naming Dios, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Dios.”
21 Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng ganitong mensahe kay Hezekia: Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Dahil nanalangin ka tungkol kay Haring Senakerib ng Asiria,
22 ito ang sinabi ko laban sa kanya: “Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka.
23 Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo? Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo? Hindi baʼt ako, ang Banal na Dios ng Israel?
24 Kinutya mo ako sa pamamagitan ng iyong mga sugo. Sinabi mo pa, ‘Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe naakyat ko ang matataas na mga bundok pati ang tuktok ng bundok ng Lebanon. Pinutol ko ang pinakamataas na mga puno ng sedro at natatanging sipres nito. Nakarating ako sa tuktok na may makapal na kagubatan.
25 Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar at uminom ng tubig mula rito. Sa pagdaan ko, natuyo ang mga sapa sa Egipto.’
26 “Totoo ngang winasak mo ang mga napapaderang lungsod. Pero hindi mo ba alam na matagal ko nang itinakda iyon? Mula pa noon, naplano ko na ito at ngayon ginagawa ko na ito.