14 Kanino siya sumasangguni para maliwanagan, at sino ang nagturo sa kanya ng tamang pagpapasya? Sino ang nagturo sa kanya ng kaalaman, o nagpaliwanag sa kanya para kanyang maunawaan? Wala!
15 Para sa Panginoon, ang mga bansa ay para lamang isang patak ng tubig sa timba o alikabok sa timbangan. Sa Dios, ang mga pulo ay parang kasinggaan lamang ng alikabok.
16 Ang mga hayop sa Lebanon ay hindi sapat na ihandog sa kanya at ang mga kahoy doon ay kulang pang panggatong sa mga handog.
17 Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa.
18 Kaya kanino ninyo maihahambing ang Dios? O saan ninyo siya maitutulad?
19 Maitutulad nʼyo ba siya sa mga dios-diosang inukit ng tao at binalutan ng ginto ng platero at pagkatapos ay nilagyan ng mga palamuting pilak na kwintas?
20 O sa matitigas na rebultong kahoy na hindi basta nabubulok, na ipinagawa ng taong dukha bilang handog? Ipinagawa niya ito sa magaling umukit para hindi bumuwal.