23 Inaalis niya sa kapangyarihan ang mga pinuno ng mundo at ginagawang walang kwenta.
24 Para silang mga tanim na bagong tubo na halos hindi pa nagkauugat. Hinipan sila ng Panginoon at biglang nalanta at tinangay ng buhawi na parang ipa.
25 Sinabi ng Banal na Dios, “Kanino ninyo ako ihahalintulad? Mayroon bang katulad ko?”
26 Tumingin kayo sa langit! Sino kaya ang lumikha sa mga bituing iyon? Ang Dios ang lumikha niyan. Inilabas niya isa-isa ang mga iyon habang tinatawag niya ang kanilang pangalan. At dahil sa kanyang kapangyarihan, ni isa man ay walang nawala.
27 Kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob, bakit kayo nagrereklamo na ang inyong mga panukala at mga karapatan ay binalewala ng Dios?
28 Hindi nʼyo ba alam o hindi nʼyo ba narinig na ang Panginoon ay walang hanggang Dios na lumikha ng buong mundo? Hindi siya napapagod o nanghihina at walang nakakaarok ng kanyang isip.
29 Pinalalakas niya ang mga nanghihina at ang mga napapagod.