20 Sasabihin ng mga anak ninyong ipinanganak sa panahon ng inyong pagdadalamhati, ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’
21 At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nanganak ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga mamamayan, at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”
22 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Sesenyasan ko ang mga bansa at ibabalik nila sa iyo ang iyong mga mamamayan na parang mga sanggol na kanilang kinalinga.
23 Maglilingkod sa iyo ang mga hari at mga reyna. Sila ang mag-aalaga sa iyo. Luluhod sila sa iyo bilang paggalang, at magpapasakop sa iyo. Sa ganoon malalaman mong ako ang Panginoon, at ang mga nagtitiwala sa akin ay hindi mabibigo.”
24 Mababawi mo pa ba ang mga sinamsam ng mga sundalong malulupit? Maililigtas pa ba ang mga binihag nila?
25 Pero ito ang sagot ng Panginoon, “Oo, maililigtas mo pa ang mga binihag ng mga sundalong malulupit at mababawi mo pa ang mga sinamsam nila. Sapagkat lalabanan ko ang mga lumalaban sa iyo at ililigtas ko ang iyong mga mamamayan.
26 Ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang sarili nilang katawan, at magiging parang mga lasing sila sa sarili nilang dugo. Dahil dito, malalaman ng lahat na ako, ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ay ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”