8 Wala kayong alam tungkol sa mapayapang pamumuhay. Binabalewala ninyo ang katarungan at binabaluktot pa ninyo ito. Ang sinumang sumunod sa inyong mga ginagawa ay hindi rin makakaranas ng mapayapang pamumuhay.
9 Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim.
10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas.
11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari.
12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama.
13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan.
14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan.