1 Sumagot ang Panginoon, “Nagpakilala ako sa mga taong hindi nagtatanong tungkol sa akin. Natagpuan nila ako kahit na hindi nila ako hinahanap. Ipinakilala ko ang aking sarili sa kanila kahit na hindi sila tumatawag sa akin.
2 “Patuloy akong naghintay sa mga mamamayan kong matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mabuting pag-uugali. Ang sinusunod nila ay ang sarili nilang isipan.
3 Ginagalit nila ako. Ipinapakita nila sa akin ang patuloy nilang pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa pamamagitan ng paghahandog sa mga halamanan at pagsusunog ng mga insenso sa bubong ng kanilang mga bahay.
4 Umuupo sila kung gabi sa mga libingan at sa mga lihim na lugar para makipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Kumakain sila ng karne ng baboy at ng iba pang pagkain na ipinagbabawal na kainin.
5 Sinasabi nila sa iba, ‘Huwag kang lumapit sa akin baka akoʼy madungisan. Mas banal ako kaysa sa iyo!’ Naiinis ako sa ganitong mga tao. At ang galit ko sa kanila ay parang apoy na nagniningas sa buong maghapon.”
6-7 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, nakasulat na ang hatol para sa aking mga mamamayan. Hindi maaaring manahimik na lamang ako; maghihiganti ako. Gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga kasalanan pati ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Sapagkat nagsunog sila ng mga insenso at nilapastangan ako sa mga bundok at mga burol. Kaya gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga ginawa.”