3 Ginagalit nila ako. Ipinapakita nila sa akin ang patuloy nilang pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa pamamagitan ng paghahandog sa mga halamanan at pagsusunog ng mga insenso sa bubong ng kanilang mga bahay.
4 Umuupo sila kung gabi sa mga libingan at sa mga lihim na lugar para makipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Kumakain sila ng karne ng baboy at ng iba pang pagkain na ipinagbabawal na kainin.
5 Sinasabi nila sa iba, ‘Huwag kang lumapit sa akin baka akoʼy madungisan. Mas banal ako kaysa sa iyo!’ Naiinis ako sa ganitong mga tao. At ang galit ko sa kanila ay parang apoy na nagniningas sa buong maghapon.”
6-7 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, nakasulat na ang hatol para sa aking mga mamamayan. Hindi maaaring manahimik na lamang ako; maghihiganti ako. Gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga kasalanan pati ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Sapagkat nagsunog sila ng mga insenso at nilapastangan ako sa mga bundok at mga burol. Kaya gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga ginawa.”
8 Sinabi pa ng Panginoon, “Hindi sinisira ang kumpol ng ubas na may mga sirang bunga, dahil ang magandang bunga ay mapapakinabangan pa. Ganyan din ang gagawin ko sa aking mga mamamayan, hindi ko sila lilipulin lahat. Ililigtas ko ang mga naglilingkod sa akin.
9 May ititira akong mga buhay sa mga lahi ni Jacob pati sa lahi ni Juda at sila ang magmamana ng aking lupain na may maraming bundok. Sila na aking mga pinili at mga lingkod ang siyang maninirahan sa lupaing ito.
10 Pagpalain ko silang mga lumalapit sa akin. Ang mga Lambak ng Sharon at Acor ay magiging pastulan ng kanilang mga hayop.