18 Alam ko ang kanilang ginagawa at iniisip. Kaya darating ako at titipunin ko ang lahat ng mamamayan ng lahat ng bansa, at makikita nila ang aking kapangyarihan.
19 Magpapakita ako ng himala sa kanila. At ang mga natitira sa kanila ay susuguin ko sa mga bansang Tarshish, Pul, Lud (ang mga mamamayan nito ay tanyag sa paggamit ng pana), Tubal, Grecia, at sa iba pang malalayong lugar na hindi nakabalita tungkol sa aking kadakilaan at hindi nakakita ng aking kapangyarihan. Ipapahayag nila ang aking kapangyarihan sa mga bansa.
20 At dadalhin nilang pauwi mula sa mga bansa ang lahat ng mga kababayan ninyo na nakasakay sa mga kabayo, sa mga mola, sa mga kamelyo, sa mga karwahe, at sa mga kariton. Dadalhin nila sila sa banal kong bundok sa Jerusalem bilang handog sa akin katulad ng ginagawa ng mga Israelita na naghahandog sa akin sa templo ng mga handog na pagkain, na nakalagay sa mga malinis na lalagyan.
21 At ang iba sa kanila ay gagawin kong pari at mga katulong ng pari sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
22 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung papaanong ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin ay mananatili magpakailanman, ang inyong lahi ay mananatili rin magpakailanman, at hindi kayo makakalimutan.
23 Sa bawat pasimula ng buwan at sa bawat Araw ng Pamamahinga ang lahat ay sasamba sa akin.
24 At paglabas ng mga sumamba sa akin sa Jerusalem, makikita nila ang bangkay ng mga taong nagrebelde sa akin. Ang mga uod na kumakain sa kanila ay hindi mamamatay at ang apoy na susunog sa kanila ay hindi rin mamamatay. At pandidirian sila ng lahat ng tao.”