2 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.
3 Panginoon, bigyan nʼyo po sila ng malaking kagalakan, at matutuwa sila sa presensya nʼyo katulad ng mga taong natutuwa kapag panahon na ng anihan, o katulad din ng mga taong nagdiriwang sa paghahati-hati nila ng mga nasamsam sa digmaan.
4 Sapagkat palalayain nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Magiging katulad sila ng mga hayop na binali nʼyo ang pamatok na kahoy na pasan-pasan nila at ang pamalo na ipinapalo sa kanila. Gagawin nʼyo po sa kanila ang ginawa nʼyo noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian.
5 Matutuwa sila dahil matitigil na ang mga digmaan. Susunugin na ang mga uniporme ng mga sundalo na puno ng dugo, pati ang kanilang mga bota.
6 Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.”
7 Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.
8 Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang Israel, ang lahi ni Jacob.