1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
2 Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
4 Bansang makasalanan,mga taong puno ng kasamaan,mga anak ng masasamang tao,mga anak ng katiwalian!Itinakwil ninyo si Yahweh,nilait ang Banal na Diyos ng Israelat pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
5 Bakit patuloy kayong naghihimagsik?Nais ba ninyong laging pinaparusahan?Ang isip ninyo'y gulung-gulo,ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
6 Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,at wala man lamang gamot na mailagay.
7 Sinalanta ang inyong bayan,tupok ang inyong mga lunsod,sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
8 Ang Jerusalem lang ang natira,parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
9 Kung si Yahweh na Makapangyarihan sa lahatay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.
10 Mga pinuno ng Israel,pakinggan ninyo si Yahweh!Ang inyong mga gawa ay kasinsamang sa Sodoma at Gomorra.Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralanang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
11 “Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.Sawa na ako sa mga tupang sinusunogat sa taba ng bakang inyong inihahandog;hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro,mga kordero at mga kambing.
12 Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko?Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga;nasusuklam ako sa usok ng insenso.Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon,kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga;ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.
14 “Labis akong nasusuklamsa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan;sawang-sawa na ako sa mga iyanat hindi ko na matatagalan.
15 Kapag kayo'y nanalangin sa akin,hindi ko kayo papansinin;kahit na kayo'y manalangin nang manalangin,hindi ko kayo papakinggansapagkat marami na ang inyong pinaslang.
16 Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17 Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;pairalin ang katarungan;tulungan ang naaapi;ipagtanggol ninyo ang mga ulila,at tulungan ang mga biyuda.
18 “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh.Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan,kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19 Kung susundin ninyo ang aking sinasabi,tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20 Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik,tiyak na kayo'y mamamatay.Ito ang mensahe ni Yahweh.
21 “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin,ngayo'y naging isang masamang babae.Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran!Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging bato,nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23 Naging suwail ang iyong mga pinuno,kasabwat sila ng mga magnanakaw;tumatanggap ng mga suhol at mga regalo;hindi ipinagtatanggol ang mga ulila;at walang malasakit sa mga biyuda.”
24 Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel,“Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway,maghihiganti ako sa aking mga kalaban!
25 Paparusahan kita at lilinisin,gaya ng pilak na pinadadaan sa apoyat tinutunaw upang dumalisay.
26 Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una,at ng mga tagapayo gaya noong simula,pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran,ang Lunsod na Matapat.”
27 Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan,at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob.
28 Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan,malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
29 Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba,at sa mga halamanang itinuring ninyong banal.
30 Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng punoat halamanang hindi na nadidilig.
31 Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy,mga gawa nila'y madaling magliliyab,parehong matutupok,sa apoy na walang makakapigil.