Isaias 44 RTPV05

Si Yahweh Lamang ang Diyos

1 Sinabi ni Yahweh,“Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!

2 Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,ang bayan kong minamahal.

3 Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.

4 Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.

5 Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’Sila ay darating upang makiisa sa Israel.Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”

6 Ang sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,ang Makapangyarihan sa lahat:“Ako ang simula at ang wakas;walang ibang diyos maliban sa akin.

7 Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko?Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?

8 Huwag kayong matakot, bayan ko!Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari;kayo'y mga saksi sa lahat ng ito.Mayroon pa bang diyos maliban sa akin?Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”

Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan

9 Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya.

10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin.

11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.

12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.

13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay.

14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan.

15 Ang kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin.

16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!”

17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”

18 Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan.

19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.

20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo. Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.

Si Yahweh, ang Manlilikha at Tagapagligtas

21 Sinabi ni Yahweh,“Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod.Nilalang kita upang maglingkod sa akin.Hindi kita kakalimutan.

22 Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad;Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.

23 Magdiwang kayo, kalangitan!Gayundin kayo kalaliman ng lupa!Umawit kayo, mga bundok at kagubatan,sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahwehnang iligtas niya ang bansang Israel.

24 “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo:Ako ang lumikha ng lahat ng bagay.Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan,at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.

25 Aking binibigo ang mga sinungaling na propetaat ang mga manghuhula;ang mga marurunong ay ginagawang mangmang,at ang dunong nila'y ginawang kahangalan.

26 Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap,at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad;ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem,muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda.

27 Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan.

28 Ang sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala.Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo.Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo,gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’”