1 Noong taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo.
2 May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad.
3 Sinasabi nila sa isa't isa ang ganito:“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”
4 Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok.
5 Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”
6 Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin.
7 Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.”
8 At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!”
9 At sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga tao:‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa;tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita.’
10 Papurulin mo ang kanilang kaisipan,kanilang pandinig iyo ring takpan,bulagin mo sila upang hindi makakita,upang sila'y hindi makarinig, hindi makakita, at hindi makaunawa.Kundi'y baka magbalik-loob sila at sila'y pagalingin ko pa.”
11 Itinanong ko: “Hanggang kailan po, Panginoon?” Ganito ang sagot niya:“Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao,hanggang sa wala nang nakatira sa mga tahanan,at ang lupain ay matiwangwang;
12 hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lugar,at ang malawak na lupain ay wala nang pakinabang.
13 Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao,sila rin ay mapupuksa,parang pinutol na puno ng ensina,na tuod lamang ang natira.Ang tuod na iyan ay tanda ng isang bagong simula para sa bayan ng Diyos.”