1 Sinabi ni Yahweh,“Kawawa ang mga suwail na anak,na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban;nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan,palala nang palala ang kanilang kasalanan.
2 Nagmamadali silang pumunta sa Egiptoupang humingi ng tulong sa Faraon;ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin.
3 Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong,at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon.
4 Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno,at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes,
5 mapapahiya lamang kayong lahat,dahil sa mga taong walang pakinabang,hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan,wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”
6 Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto:Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati,sa lugar na pinamamahayan ng mga leon,ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon;ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo,upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
7 Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan,kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.”
8 Halika, at isulat mo sa isang aklat,kung anong uri ng mga tao sila;upang maging tagapagpaalala magpakailanman,kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
9 Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10 Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,at ang mga hulang hindi matutupad.
11 Umalis kayo sa aming daraanan,at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”
12 Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel:“Tinanggihan mo ang aking salita,at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala.
13 Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,tulad ng pagguho ng isang marupok na paderna bigla na lamang babagsak.
14 Madudurog kang parang palayokna ibinagsak nang walang awa;wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”Ngunit kayo'y tumanggi.
16 Sinabi ninyong makakatakas kayo,sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17 Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;matutulad kayo sa tagdan ng bandilana doon naiwan sa tuktok ng burol.
18 Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
19 Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya.
20 Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo.
21 Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.”
22 Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”
23 Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.
24 Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop.
25 Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore.
26 Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.
27 Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh,nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap;ang mga labi niya'y nanginginig sa galit,at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
28 Magpapadala siya ng malakas na hanginna tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan.Wawasakin nito ang mga bansaat wawakasan ang kanilang masasamang panukala.
29 Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel.
30 Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo.
31 Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbabanta ng pagpaparusa.
32 Ang bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng mga tamburin at lira.
33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon.