1 Narito ang pahayag tungkol sa Egipto:Tingnan ninyo! Nakasakay si Yahweh sa isang mabilis na ulap patungo sa Egipto.Nanginginig sa takot ang mga diyus-diyosan ng Egipto,at ang mga Egipcio'y naduwag.
2 Ang sabi ni Yahweh:“Paglalaban-labanin ko ang mga Egipcio:Kapatid laban sa kapatid,kasama laban sa kasama,lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian.
3 Masisiraan ng loob ang mga Egipcio,at guguluhin ko ang kanilang mga balak,hihingi sila ng tulong sa mga diyus-diyosan,sa mga mangkukulam, sa mga nakikipag-usap sa espiritu ng patay at manghuhula.
4 Ibibigay ko ang Egipto sa kamay ng isang malupit na panginoon;isang mabagsik na hari ang sasakop sa kanila.”Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihang Panginoon.
5 Bababaw ang tubig sa Ilog Nilo,at unti-unting matutuyo.
6 Babaho ang mga kanal,ang Ilog Nilo ng Egipto ay mauubusan ng tubig,at matutuyo rin ang mga tambo at mga talahib.
7 Malalanta ang mga halaman sa pampang ng Nilo,itataboy ng hangin, at hindi na muling makikita.
8 Magluluksa ang mga mangingisda,at mananaghoy ang lahat ng namimingwit,ang mga naghahagis naman ng lambat ay manlulupaypay.
9 Manghihina ang loob ng mga gumagawa ng kasuotang linen;
10 manlulupaypay ang mga humahabi ng tela,at mawawalan ng pag-asa ang mga manggagawa.
11 Hangal kayong lahat, mga pinuno ng Zoan!Kayong matatalinong tagapayo ng Faraon, pawang walang saysay ang inyong ipinapayo.Paano ninyo masasabi sa Faraon:“Ako'y mula sa lahi ng mga matatalinoat ang mga ninuno ko'y hari noong unang panahon?”
12 Nasaan, Faraon, ang iyong mga matatalino?Bakit hindi nila sabihin sa iyo ngayonang plano ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa Egipto?
13 Hangal ang mga pinuno ng Zoan,at baliw ang mga pinuno ng Memfis;iniligaw nila ang Egipto tungo sa kapahamakan.
14 Ginulo ni Yahweh ang kanilang pag-iisip.Iniligaw nila ang Egipto sa lahat nitong ginagawa,animo'y lasing itong pasuray-suray at nagsusuka habang daan.
15 Walang sinuman sa Egipto,dakila man o karaniwang tao ang makakapagbigay ng tulong.
16 Sa araw na iyon, ang mga Egipcio'y magiging parang mga babaing manginginig sa takot kapag iniunat na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang kamay upang sila'y parusahan.
17 Masisindak ang mga Egipcio sa mga taga-Juda marinig lamang nila ang pangalan nito, dahil sa balak ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lunsod sa Egipto ang gagamit ng wikang Hebreo, at manunumpa sila sa pangalan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Isa sa mga lunsod na ito ay tatawaging Lunsod ng Araw.
19 Si Yahweh ay ipagtatayo sa Egipto ng isang altar at siya'y pararangalan sa pamamagitan ng isang haliging bato sa may hangganan ng lupain.
20 Iyan ang magiging palatandaan na si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay naroon at sila'y bibigyan niya ng tagapagtanggol kapag sila'y humingi ng tulong sa panahon ng pag-uusig.
21 Magpapakilala si Yahweh sa mga Egipcio at siya nama'y kanilang kikilanlin, sasambahin at aalayan ng handog na susunugin. Gagawa sila ng mga sinumpaang pangako kay Yahweh at ang mga iyon ay kanilang tutuparin.
22 Paparusahan ni Yahweh ang mga Egipcio, ngunit sila nama'y kanyang aaliwin. Manunumbalik sila sa kanya at sila'y kanyang diringgin at pagagalingin.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng isang malawak na daan buhat sa Egipto patungo sa Asiria. Makakapunta sa Asiria ang mga Egipcio at ang mga taga-Asiria ay makakapunta sa Egipto; sila'y sama-samang sasamba.
24 Sa araw na iyon, ang Israel ay magiging kapanalig ng Egipto at Asiria, at sila'y magiging pagpapala sa buong daigdig.
25 Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Pagpapalain kita Egipto na aking bayan; ikaw Asiria na aking itinatag, at ikaw Israel na aking pinili.”