Isaias 42 RTPV05

Ang Lingkod ni Yahweh

1 Sinabi ni Yahweh,“Narito ang lingkod ko na aking hinirang;ang aking pinili at lubos na kinalulugdan;ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.

2 Hindi siya makikipagtalo o makikipagsigawan,ni magtataas ng boses sa mga lansangan.

3 Ang marupok na tambo'y hindi niya babaliin,ilaw na aandap-andap hindi niya papatayin;katarungan para sa lahat ang kanyang paiiralin.

4 Hindi siya mawawalan ng pag-asa o masisiraan ng loob,hangga't katarungan ay maghari sa daigdig;ang malalayong lupain ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.”

5 Ang Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,kaya't sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod,

6 “Akong si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran,binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao,at sa pamamagitan mo'y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa.

7 Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulagat magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.

8 Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan;walang makakaangkin ng aking karangalan;ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.

9 Ang mga dating pahayag ko ay natupad na.Mga bagong bagay ang sasabihin ko ngayon bago pa mangyari ang mga ito.”

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

10 Umawit kayo ng isang bagong awit para kay Yahweh,ang buong daigdig sa kanya ay magpuri!Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag;kayong lahat na nilalang sa karagatan!Umawit kayong lahat na nasa malalayong kapuluan.

11 Kayo ay magdiwang, kayong nasa disyerto, at sa mga bayan,mga taga-Kedar, kayo ay magdiwang;mga taga-Sela, kayo'y mag-awitan,kayo ay umakyat sa tuktok ng bundok at kayo'y sumigaw sa kagalakan.

12 Kayong nasa malalayong lupain,purihin ninyo si Yahweh at parangalan.

13 Siya ay lalabas, parang mandirigma na handang lumaban,siya ay sisigaw bilang hudyat ng pagsalakay,at ang kapangyarihan niya'y ipapakita sa mga kaaway.

Tutulungan ng Diyos ang Kanyang Bayan

14 Sinabi ng Diyos,“Mahabang panahon na ako'y nanahimik;ngayo'y dumating na ang oras para ako ay kumilos.Parang manganganak,ako ay sisigaw sa tindi ng kirot.

15 Ang mga bundok at burol ay aking gigibain,malalanta ang mga damo at ang iba pang mga halaman;ang mga ilog at lawa ay matutuyo,at magiging disyerto.

16 Aakayin ko ang mga bulag,sa mga daang hindi nila nakikita.Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila,at papatagin ko ang mga daang baku-bako.Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.

17 Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng kumikilalaat nagtitiwala sa mga diyus-diyosan.”

Hindi na Natuto ang Israel

18 Sinabi ni Yahweh,“Kayong mga bingi, ngayon ay makinig!At kayong mga bulag naman ay magmasid!

19 Mayroon bang mas bulag pa kaysa sa aking lingkod,o mas bingi pa sa aking isinugo?

20 Israel, napakarami mo nang nakita ngunit walang halaga sa iyo.Mayroon kang tainga ngunit ano ang iyong napakinggan?”

21 Isang Diyos na handang magligtas itong si Yahweh,kaya ibinandila niya ang kanyang kautusan at mga tuntuninupang sundin ng kanyang bayan.

22 Ngunit ngayong sila'y pinagnakawan,ikinulong sa bilangguan, at inalipin,sa nangyaring ito'y wala man lang nagtanggol,o kaya'y dumamay.

23 Wala pa bang makikinig sa inyo?Hindi pa ba kayo natututo para makinig na mabuti?

24 Sino ang nagpahintulot na manakawan ang Israel?Hindi ba si Yahweh na ating sinuway?Hindi natin siya sinunodsa halip, nilabag natin ang kanyang mga utos.

25 Kaya ipinadama niya sa Israel ang kanyang galit,at ipinalasap ang lupit ng digmaan.Ang galit niya'y nag-aalab laban sa Israel,halos matupok na tayo,ngunit hindi pa rin tayo natuto.