1 Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekias sa Juda, sinalakay at nasakop ni Haring Senaquerib ng Asiria ang buong lunsod ng Juda.
2 Nang si Haring Senaquerib ng Asiria ay nasa Laquis, inutusan niya sa Jerusalem ang kanyang punong ministro, kasama ang isang malaking hukbo upang pasukuin si Haring Hezekias. Ang punong ministro ay hindi agad pumasok sa lunsod kundi naghintay muna sa may padaluyan ng tubig sa daang papasok sa Bilaran ng Tela.
3 Doon sila pinuntahan ng punong ministro sa palasyo na si Eliakim, anak ni Hilkias. Kasama niya ang kalihim na si Sebna at ang tagapagtala na si Joa na anak ni Asaf.
4 Pagkakita sa kanila'y sinabi ng ministro, “Magbalik kayo kay Hezekias at sabihin ninyo ang ipinapatanong na ito ng hari ng Asiria: ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo?
5 Akala mo ba'y sapat na ang salita laban sa isang makapangyarihang hukbo? Sino ang inaasahan mo at ikaw ay naghihimagsik laban sa akin?
6 Ang Egipto? Para kang nagtutungkod ng baling tambo, masusugatan pa niyan ang iyong kamay. Iyan ang sasapitin ng sinumang magtiwala sa Faraon ng Egipto.
7 Kung sasabihin mo namang kay Yahweh na inyong Diyos kayo aasa, hindi ba ang mga altar niya sa burol ang ipinaalis ni Hezekias? Hindi ba't ang utos niya sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ay sa altar lamang sa Jerusalem sila sasamba?
8 Ngayon, kung talagang gusto mong subukin ang aming hari, bibigyan kita ng dalawang libong kabayo kung may mapapasakay ka sa mga ito.
9 Paano ka makakalaban kahit sa isang maliit na pangkat ng aming hukbo, samantalang sa Egipto ka lamang umaasa ng kailangan mong mga karwahe at mga kawal na nakakabayo?
10 Akala mo ba'y sasalakayin ko at wawasakin ang lupaing ito nang walang pahintulot si Yahweh? Siya mismo ang may utos sa akin na salakayin ito at wasakin.’”
11 Nakiusap sina Eliakim, Sebna at Joa sa punong ministro ng Asiria. Ang sabi nila, “Baka po maaaring sa wikang Aramaico na lamang tayo mag-usap sapagkat marunong naman kami ng salitang iyan. Huwag na po ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo nang naririnig ng mga nasa itaas ng pader.”
12 Ngunit sinagot sila ng ministro, “Bakit, ano ba ang akala ninyo? Sinugo ba ako ng panginoon ko upang kayo lamang at ang inyong hari ang balitaan nito? Dapat ding malaman ito ng mga taong ito na tulad ninyo'y dumi rin ang kakainin at ihi ang iinumin pagdating ng takdang panahon.”
13 Kaya lalong inilakas ng ministro ang kanyang pagsasalita sa wikang Hebreo: “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ng hari ng Asiria.
14 Huwag kayong paloloko kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas.
15 Huwag kayong maniniwala sa sinasabi niyang ililigtas kayo ni Yahweh, na ang lunsod na ito'y hindi masasakop ng hari ng Asiria.
16 Huwag kayong makinig sa kanya; ang dinggin ninyo'y ang sinabi ng hari ng Asiria, ‘Sumuko na kayo at makipagkasundo sa akin! Sa gayon, magiging matiwasay kayo. Kung gagawin ninyo ito, kayo ang makikinabang sa bunga ng inyong ubasan at igos, at kayo rin ang iinom sa tinipon ninyong tubig.
17 Pagkatapos, darating ako upang dalhin kayo sa lupaing tulad nito na sagana sa pagkaing butil at alak.
18 Huwag kayong maniwala sa sinasabi sa inyo ni Hezekias na ililigtas kayo ni Yahweh. Walang diyos ng ibang bansa na nakapagligtas sa kanila sa kamay ng hari ng Asiria.
19 Gaya ng mga diyos sa Hamat at Arpad, nailigtas ba ng mga iyon ang mga tagaroon? At ang mga diyos sa Sefarvaim, nailigtas ba nila ang Samaria sa aking mga kamay?
20 Kung ang mga diyos na iyon ay walang nagawa upang ipagtanggol ang kanilang bansa, gaano pa ang inyong si Yahweh? Hindi rin maililigtas nito ang Jerusalem sa aking mga kamay.’”
21 Wala ni isa mang kumibo sa kanila sapagkat iniutos ng hari na huwag silang sasagot.
22 Dahil dito'y sinira nina Eliakim, Sebna at Joa ang kanilang mga damit, at sama-samang nagbalik kay Hezekias, at iniulat ang lahat ng sinabi ng punong ministro ng Asiria.