3 Ganito ang ipinasabi niya kay Isaias: “Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, ng pagpaparusa at kahihiyan. Para tayong isang inang dapat nang magsilang, ngunit hindi magawâ dahil nanghihina.
4 Marahil ay narinig ni Yahweh na inyong Diyos ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buháy. Sana'y parusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang natitira pa sa bayan ng Diyos.”
5 Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ni Haring Hezekias,
6 sumagot siya, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria.
7 Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at hindi siya patatahimikin ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa pamamagitan ng espada'y mamamatay siya sa kanyang sariling bayan.’”
8 Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna.
9 Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia upang sila'y salakayin. Kaya nagpasugo muli siya kay Haring Hezekias