3 “O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.
4 Muling nagsalita si Yahweh kay Isaias.
5 Ang sabi sa kanya, “Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay.
6 Hindi lamang iyon, ikaw at ang lunsod na ito'y hindi mapapahamak, sapagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’”
7 “Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh para patunayang tutuparin niya ang kanyang pangako.
8 Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Ahaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayon nga ang nangyari.
9 Ito ang awit na isinulat ni Haring Hezekias ng Juda, matapos na siya'y gumaling: