1 Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo.
2 Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo.
3 Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.”
4 Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.”
5 Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
6 ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’