1 Naitataas ng maralita ang kanyang noo kung siya'y marunong,at ibibilang siya sa hanay ng mga dakila.
2 Huwag mong dadakilain ang isang tao dahil lamang sa kanyang magandang kaanyuan,at huwag mo namang hahamakin ang sinuman dahil sa kanyang kapangitan.
3 Ang pukyutan ay isa sa pinakamaliit na hayop na lumilipad,ngunit ang kanyang pulot ay pinakamasarap.
4 Huwag mong ipagmarangya ang magara mong kasuotan,at huwag kang magmamataas sa panahong ikaw ay pinaparangalan;sapagkat kahanga-hanga ang pamamaraan ng Panginoon,at lingid sa mga tao ang kanyang mga gawa.
5 Maraming hari ang napilitang maupo sa lupa,at may naging hari naman na di sukat akalain.
6 May mga pinunong nawalan ng kapangyarihan,at may mga tanyag na tao ang nahulog sa kapangyarihan ng iba.
7 Magsuri ka muna bago ka humatol,at isipin mo muna bago ka magmatuwid.
8 Makinig ka muna bago ka sumagot,at huwag kang sumabad hangga't hindi natatapos ang nagsasalita.
9 Huwag kang makipagtalo tungkol sa mga bagay na wala ka namang kinalaman,at huwag kang makikialam sa pagpapasya ng mga makasalanan.
10 Anak, huwag mong pakaramihan ang iyong mga panukala,kapag napakarami ng iyong saklaw, hindi mo makakayanan;kung naghahabol ka, hindi ka aabot,at kung ikaw ang hinahabol, hindi ka makakatakas.
11 May taong trabaho nang trabaho at lagi nang humahangos,patuloy ang kayod ngunit lalo lamang naghihikahos.
12 Mayroon namang bahagya nang makagulapay,babagal-bagal, mahina, walang kaya, at sadsad sa hirap,ngunit nang lingapin siya ng Panginoon,naging matiwasay ang kanyang buhay.
13 Nakabangon siya at nag-ani ng tagumpay,at namangha ang lahat sa nangyari sa kanya.
14-16 Kung minsa'y masarap, kung minsa'y masaklap ang padala ng Panginoon:ang kabiguan at tagumpay, ang kayamanan at karukhaan,ang buhay at kamatayan ay sa kanya nagmumula.
17 Mananatili sa banal ang kaloob ng Panginoon,at ang pagpapala niya'y nagdudulot ng patuloy na tagumpay.
18 Maaaring yumaman ang isang tao sa pamamagitan ng pagsisikap at pagkakait sa sarili,ngunit sa bandang huli, ano ang mapapala niya?
19 Sasabihin niya: “Maaari na akong mamahinga ngayon,maaari na akong magpasarap sa buhay sa dami ng aking naipon.”Ngunit hindi niya alam kung hanggang kailan siya mabubuhay,at iiwan niya sa iba ang lahat niyang pinagpaguran.
20 Panindigan mo ang pinasukang kasunduan, at tuparin iyon nang buong sikap,at magpakatanda ka sa iyong hanapbuhay.
21 Huwag kang maiinggit sa tagumpay ng masasamang tao.Gawin mo ang iyong tungkulin, at manalig ka sa Panginoon,sapagkat madali sa kanya na ang dukha'y payamanin.
22 Ang gantimpala ng makatarungan ay ang pagpapala ng Panginoon,at matutupad ang kanyang mithiin sa sandaling panahon.
23 Huwag kang labis na mabahala sa iyong mga pangangailangan,o kung ano ang sasapitin mo sa darating na panahon.
24 At huwag mo ring akalaing nasa iyo na ang lahat,o kaya'y wala nang kasawiang maaaring mangyari sa iyo sa darating na panahon.
25 Sa panahon ng kasaganaan, nakakalimutan ang hirap,at sa panahon ng kasawian, nakakalimutan ang tagumpay.
26 Madali sa Panginoon ang maghintay sa araw ng pagkamatay ng isang tao,upang parusahan o gantimpalaan siya sa kanyang mga ginawa.
27 Sa oras na iyon, makikilala ng lahat ang kanyang mga gawa,at ang kaginhawahang tinamasa niya sa nakaraan, ay mapapawi sa isang sandali ng paghihirap.
28 Kaya, huwag mong sabihing mapalad ang isang tao bago siya mamatay,sapagkat sa kanyang pagkamatay lamang lalabas ang buong katotohanan.
29 Piliin mo ang taong isasama mo sa iyong tahanan,sapagkat lubhang marami ang pamamaraan ng manlilinlang.
30 Ang palalo ay parang ibong bihag na ipinapain,parang espiya na nag-aabang ng iyong pagbagsak.
31 Binabaluktot niya ang kahulugan ng mga bagay,pinasasama ang mabuti at binibigyang-sala ang walang kasalanan.
32 Sa isang tilamsik ng apoy nagmumula ang siga;ang makasalanang may masamang hangarin ay humahantong sa pagdanak ng dugo.
33 Mag-ingat ka sa taong masama at sa kanyang mga pakana,baka ikaw ay ipahamak niya magpakailanman.
34 Kapag kumupkop ka sa iyong tahanan ng taong di mo kaanu-ano,magúgulo ang iyong sambahayan, at lalayuan ka ng mga kadugo mo.