1 Sumunod na lumitaw si Elias na parang apoy,parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
2 Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
3 Sa pangalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
4 Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!Sino ang makakatulad sa mga ginawa mo?
5 Binuhay mong muli ang isang patay;inagaw mo siya sa kamatayan sa ngalan ng Kataas-taasang Diyos.
6 Ibinagsak mo ang mga hari at pinukaw ang pagtulog ng mga maharlika,at pinapunta mo sila sa kanilang kamatayan.
7 Ikaw ang nakarinig ng mga babala ng Diyos doon sa Bundok ng Sinai,at pangakong parusa para sa kanyang mga kaaway.
8 Ikaw din ang nagtalaga sa mga haring pinili para maghiganti,at sa propetang hahalili sa iyo.
9 Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipu-ipo,lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.
10 Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;para pagkasunduin ang mga magulang at mga anak,at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.
11 Mapapalad ang mga makakakita sa iyoat ang mga namatay na umiibig,sapagkat kami rin ay tiyak na mabubuhay.
12 Nang si Elias ay madala ng ipu-ipo,ang diwa niya'y minana ni Eliseo.Hindi siya natakot kailanman sa sinumang hari,at walang sinumang nakapagpasuko sa kanya.
13 Walang gawaing hindi niya makayang gawin,at nang mamatay, pati bangkay niya'y nagpakita ng himala.
14 Nang nabubuhay, gumawa siya ng maraming himala;kahit nang mamatay, kapangyarihan niya'y kahanga-hanga.
15 Sa kabila nito, hindi pa rin nagbalik-loob ang bayan,ayaw nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan,kaya't sila'y pinalayas sa kanilang bansaat pinapangalat sa buong daigdig.Naiwan ang isang maliit na bahagi—ang Juda,sa pamamahala ng sambahayan ni David.
16 Ilan sa kanila'y naging kalugud-lugod sa Diyos,ngunit ang iba'y lalong nagpakasama.
17 Si Hezekias ang nagpatibay ng mga tanggulan ng lunsod,at naglagay ng deposito ng tubig sa loob ng lunsod;ipinabutas niya ang bato upang daanan ng tubigat nagpahukay siya ng malalaking tipunan ng tubig.
18 Noong panahon niya sumalakay si Senaquerib.Sinugo nito ang kanyang kanang kamay mula sa Laquisat pinagbantaan ang Zion;sa kanyang kapalaluan, nilait pati ang Panginoon.
19 Nasindak ang mga tao at nangatog sa matinding takot;namighati silang lahat na parang babaing manganganak.
20 Kaya't nanawagan sila sa Kataas-taasang Diyos,itinaas ang mga kamay sa mataimtim na dalangin.Dininig ng Panginoon ang kanilang karaingan,at sila'y iniligtas sa pamamagitan ni Isaias.
21 Hinampas ng Diyos ang hukbo ng Asiria,at sila'y pinuksa ng kanyang anghel sa pamamagitan ng salot.
22 Sapagkat kinalugdan ng Panginoon si Hezekias,naging matatag siya sa pagsunod sa landas ni David na kanyang ninuno.Nakinig siya sa mga payo ni Isaias,dakilang propeta na karapat-dapat pagtiwalaan.
23 Sa panahon niya, pinabalik niya ang araw,at pinahaba ang buhay ng mahal na hari.
24 Sa bisa ng taglay niyang kapangyarihan, nakita niya ang mangyayari sa darating na panahon,at inaliw niya ang Zion sa kanyang kapighatian.
25 Inihayag niya ang mga magaganap bago dumating ang wakas ng panahon,mga lihim na pangyayari, na hindi pa nagaganap.