1 Maraming nandaraya sa hangad na tumuboat upang yumaman, nagiging walang puso.
2 Ang pandaraya'y mahirap mawala sa pagbibilihan;para itong kahoy na nakatusok sa pagitan ng dalawang bato.
3 Ang sambahayan ng isang tao'y madaling babagsak,kung hindi matibay ang kanyang paggalang sa Diyos.
4 Kapag niliglig mo ang bistay, maiiwan ang magaspang;kapag ang tao'y nagsalita, kapintasa'y lumilitaw.
5 Ang gawa ng magpapalayok ay sa hurno nasusubok,ang pagkatao ng sinuma'y makikita sa kanyang pangangatuwiran.
6 Sa bunga ng punongkahoy nakikilala ang ginagawang pag-aalaga;sa pangungusap ng isang tao, damdamin niya'y nahahalata.
7 Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nagsasalita,sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa.
8 Kung ang hangad mo'y katarungan, ito'y iyong makakamtan,at maisusuot mo pa ito, gaya ng mamahaling balabal.
9 Ang ibong magkakatulad, sama-sama sa hapunan;ang katapatan ay nagbubunga ng katapatan.
10 Ang kasalana'y naghihintay sa gumagawa ng masama,parang leong nag-aabang ng anumang masisila.
11 Ang pangungusap ng makadiyos ay palaging may katuturan,ngunit ang sinasabi ng hangal ay pabagu-bagong parang buwan.
12 Kapag ang kausap mo'y mga hangal, magmadali kang umalis;ngunit kapag marurunong, manatili kang nakikinig.
13 Masakit sa pandinig ang usapan ng mga hangal,wala na silang napapag-usapan kundi puro kalaswaan.
14 Nakakapanindig ng balahibo ang kanilang pagmumurahan;at kung sila'y nagtatalo, tainga ninyo'y inyong takpan.
15 Humahantong sa pagdanak ng dugo ang pag-aaway ng mga palalo.Nakakasakit pakinggan ang kanilang pagmumurahan.
16 Ang di marunong mag-ingat ng lihim ay hindi mapagkakatiwalaan,at hindi siya makakakita ng tunay na kaibigan.
17 Mahalin mo ang kaibigan mo at maging tapat ka sa kanya;ngunit kung naibunyag mo ang kanyang lihim, huwag ka nang lalapit sa kanya.
18 Sapagkat pinatay mo na ang inyong pagkakaibigan,gaya ng pagpatay ng isang tao sa kanyang kaaway.
19 Pinalayo mo ang iyong kaibigan, parang ibong nakawala sa iyong mga kamay.Hindi mo na siya mahuhuli uli magpakailan pa man.
20 Huwag mo na siyang sundan, malayo na siya ngayon;nagmamadali siya nang pagtakas, parang usang nakaalpas sa bitag.
21 Ang sugat ay maaari pang gamutin,ang kasalana'y maaari pang mapatawad;ngunit ang pagsisiwalat ng lihim ay wala nang nalalabing lunas.
22 Ang taong malikot ang tingin ay masama ang binabalak,at walang makakahadlang sa kanyang iniisip.
23 Anong tamis niyang mangusap kapag siya'y kaharap,kunwari'y hangang-hanga sa iyong sinasabi.Ngunit sa talikura'y agad siyang nag-iiba,at ang bawat sinabi mo'y pinauuwi sa masama.
24 Wala akong kinamumuhiang tulad ng gayong tao,at kasuklam-suklam din siya sa harap ng Panginoon.
25 Kung bumato siya nang paitaas, sa ulo rin niya ang bagsak.Kapag siya ay nanaksak, siya rin ay mapapahamak.
26 Ang naghuhukay ng patibong ay malamang na mahulog doon,ang nag-uumang ng bitag ay malamang na siyang mahuli.
27 Ang taong gumagawa ng masama ay ginagantihan din ng masama,at hindi niya alam kung saan ito magmumula.
28 Ang palalo ay mahilig sa panunuya at panlalait.Ang ganting laan sa kanya'y parang leong nag-aabang.
29 Ang natutuwa sa kasawian ng makadiyos ay mahuhulog sa bitag;at bago sumapit ang kamatayan, malilibing sila sa hirap.
30 Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian;ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan.