1 Pinasasalamatan kita, Panginoon ko at Hari;pinupuri kita, aking Diyos at Tagapagligtas.
2 Pinupuri kita sapagkat ipinagtanggol mo ako at inalalayan,iniligtas sa kamatayan sa bitag ng dilang makamandagat sa mga labing lumilikha ng kasinungalingan;tinulungan mo ako laban sa aking mga kaaway.
3 Sinaklolohan mo ako alang-alang sa iyong habag at banal na pangalan,at iniligtas sa mga ngipin ng mga leong nag-aabang upang ako'y lamunin,sa mga kamay ng mga naghahangad kumitil ng aking buhay,at sa maraming kagipitang aking kinasuungan.
4 Iniligtas mo ako sa apoy na nasa aking paligid,sa gitna ng apoy na hindi naman ako ang nagpaningas.
5 Hinango mo ako sa kalaliman ng bangin ng kamatayan,iniligtas mo ako sa dilang marumi at sinungaling,na nagpaparatang sa akin sa harapan ng hari.
6 Ang buhay ko'y nabingit sa kamatayan,ang kaluluwa ko'y nasa labi na ng Hades.
7 Naliligid ako ng mga kaawayat wala isa mang tumulong sa akin;naghanap ako ng sasaklolo,ngunit ako'y nabigo!
8 At naalala ko, Panginoon, ang iyong habag,at ang iyong mga gawa mula pa sa pasimula;tinutulungan mo ang mga matiyagang umaasa sa iyoat inililigtas mo sila sa mga kuko ng kaaway.
9 Kaya't tumawag ako sa iyo mula sa lupaat hiniling kong iligtas mo ako sa kamatayan.
10 Dumalangin ako sa iyo, Panginoon ko at Ama,na huwag mo akong pabayaan sa aking kagipitan,sa oras na itong ako'y nasa kamay ng mga palalo.
11 Lagi kitang pupurihin at aawitan ng pasasalamat.Dininig mo ang aking dalangin
12 at iniligtas mo ako sa kapahamakang nagbanta sa akin.Kaya pinasasalamatan kita at pinupuri.O Panginoon, pinupuri kita!
13 Nang ako'y bata pa, bago pa ako naglakbay,ang lagi kong dalangin ay pagkalooban ako ng Karunungan.
14 Nagpunta ako sa Templo at siya ang aking hiniling,at siya kong hahanapin magpahanggang wakas.
15 Mula sa aking kabataan hanggang sa aking pagtanda,ang Karunungan lamang ang kagalakan ng aking puso.Mula pa sa aking pagkabata, sinikap ko nang mamuhay nang matuwid,masundan ko lamang ang landas ng Karunungan.
16 Nang magsimula akong makinig ay nakamtan ko ang Karunungan;sa gayon ay nakatuklas ako ng maraming aral.
17 Lagi kong sinikap na matuto,at nagpapasalamat ako sa lahat ng nagturo sa akin.
18 Ang aking panata'y mamuhay ako ayon sa tuntunin ng Karunungan,at sinikap kong laging gumawa ng mabuti,at ito'y hindi ko pagsisisihan magpakailanman.
19 Sinikap kong mabuti na mag-angkin ng Karunungan,at naging maingat ako sa aking pag-uugali.Lagi kong kinikilala ang aking kakapusan sa bagay na ito,kaya't sa Diyos ako humihingi ng tulong.
20 Siya ang laging hinahangad ng aking puso,at natagpuan ko siya sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay.Umunlad ako sa Karunungan mula pa nang siya'y aking natagpuanat hindi ko na siya hihiwalayan kailanman.
21 Dahil sa aking matiyagang pagsisikap na siya'y kamtan,siya ngayon ang mahalaga kong kayamanan.
22 At bilang gantimpala, binigyan ako ng Panginoon ng kakayahang magsalita nang mahusay,kaya't gagamitin ko ito sa pagpupuri sa kanya.
23 Halina kayo, mga dapat turuan,at pumasok kayo sa aking paaralan.
24 Kung kayo'y talagang nauuhaw sa karunungan,bakit hindi ninyo lunasan ang inyong pangangailangan?
25 Nananawagan ako upang siya'y ipakilala sa inyo;tanggapin ninyo siya nang walang bayad.
26 Hindi kailangang siya'y hanapin sa malayo,ipailalim lamang ninyo ang inyong leeg sa kanyang pamatok,at humandang tumanggap ng kanyang aral.
27 Tingnan ninyo ang nangyari sa akin:sa kaunting pagod lamang, nakamtan ko siya.
28 Huwag kayong manghinayang sa magiging puhunan,makamtan lamang ninyo ang Karunungan.
29 Ipagdiwang ninyo ang kabutihan ng Panginoonat huwag kayong mahiyang magpuri sa kanya.
30 Gawin ninyo ang inyong tungkulin nang maaga,at gagantihan kayo ng Diyos pagdating ng takdang oras.