1 Anak, nakagawa ka ba ng kasalanan?Huwag mo nang ulitin ito at humingi ka agad ng tawad.
2 Layuan mo ang kasalanan na parang ahas;kapag lumapit ka'y tutuklawin ka niyan.Ang kanyang mga ngipin ay simbagsik ng ngipin ng leon at nakamamatay.
3 Ang paglabag sa batas ay parang tabak na magkabila'y talim,ang masugatan nito'y wala nang paggaling.
4 Ang palalo at mayabang ay mawawalan ng kayamanan;aalisin ito sa kanya ng paggalang at karahasan.
5 Dinidinig agad ng Panginoon ang daing ng maralita,at agad na ibinibigay ang katarungan.
6 Landas ng makasalanan ang tinutunton ng ayaw tumanggap ng pangaral,ngunit ang may paggalang sa Panginoon ay nagsisisi nang buong puso.
7 Bantog sa lahat ng dako ang taong magaling magsalita,ngunit halata agad siya ng marunong kapag nagkamali.
8 Ang nagpapatayo ng bahay sa pamamagitan ng salaping inutang,ay parang nag-iipon ng bato para sa sariling libingan.
9 Ang kalipunan ng masamang tao ay parang bunton ng kusot,hindi magtatagal at ito'y magliliyab.
10 Parang nilatagan ng bato ang daan ng makasalanan,ngunit ang tinutungo nito'y ang daigdig ng mga patay.
11 Ang sumusunod sa Kautusan ay nagsisikap na supilin ang kanyang mga hilig;at ang karunungan ang siyang kabuuan ng paggalang sa Panginoon.
12 Mahirap turuan ang taong kulang sa katalinuhan,ngunit kung minsan, ang katalinuhan ay nagbubunga ng kapaitan.
13 Ang kaalaman ng marunong ay lumalaking parang baha,at ang kanyang mga payo ay parang batis ng tubig na buháy.
14 Ang isipan ng hangal ay parang sisidlang basag,hindi ito malalagyan ng karunungan.
15 Kapag marunong ang nakarinig ng isang magandang aral, pinupuri niya iyon at dinaragdagan pa;ngunit kung hangal ang nakarinig, nililibak niya iyon at tinatalikuran agad.
16 Mahirap na talaga ang makinig sa hangal, para kang naglalakad na may kargang mabigat.Sa kabilang dako, kawili-wili ang makinig sa marunong.
17 Malugod na pinakikinggan ng kalipunan ang bawat salita ng marunong;pinagbubulay-bulayan ng bawat makarinig ang kanyang mga sinabi.
18 Ang karunungan ng hangal ay parang bahay na nakahilig,ang nalalaman niya'y isang tambak na kasabihang hindi naman niya nauunawaan.
19 Para sa hangal ang pag-aaral ay isang tanikala sa kanyang mga paa,parang posas na nakagapos sa kanyang mga kamay.
20-21 Ngunit para sa matalino, ang pag-aaral ay isang gintong hiyas,isang pulseras na nakasuot sa kanyang bisig.Ang hangal, kung matuwa'y humahalakhak,ngunit ang marunong ay mahinhing ngumingiti lamang kung hinihingi ng pagkakataon.
22 Ang hangal ay kaagad sumusugod na papasok sa isang bahay,ngunit ang may karanasan ay mapitagang naghihintay sa labas.
23 Ang lapastangan ay sumisilip sa loob ng bahay mula sa pintuan,ngunit ang may magandang asal ay naghihintay muna sa labas ng bahay.
24 Labag sa kagandahang-asal ang makinig sa kabila ng pinto,mahihiyang gumawa nang gayon ang taong matino.
25 Walang ginagawa ang madaldal kundi ipamalita ang bawat marinig,ngunit tinitimbang muna ng marunong ang bawat sasabihin.
26 Sinasabi ng hangal ang bawat maisipan,ngunit ang marunong ay nag-iisip muna bago magsalita.
27 Kapag sinumpa ng makasalanan ang kanyang kaaway,para na ring sinumpa niya ang kanyang sarili.
28 Dinudungisan ng madaldal ang sariling pangalan,at kinapopootan siya ng mga kapitbahay.