Ecclesiastico 7 MBB05

1 Huwag kang gumawa ng masama, at walang masamang mangyayari sa iyo.

2 Lumayo ka sa kabuktutan, at lalayuan ka rin nito.

3 Anak, huwag kang maghasik ng kaapihan;baka mag-ani ka nang pitong ulit.

4 Huwag kang humingi sa Panginoon ng kapangyarihan,o humiling sa hari ng mataas na tungkulin.

5 Huwag mong igiit sa Panginoon na ikaw ay matuwid,o magpanggap na marunong sa harap ng hari.

6 Huwag kang maghangad na maging hukomkung wala kang tibay ng loob na panindigan ang katarungan.Kapag nasindak ka sa babala ng makapangyarihan,baka mawalan ka ng karangalan sa paningin ng madla.

7 Huwag kang gagawa ng masama laban sa sambayanan,nang hindi ka kasuklaman ng iyong mga kababayan.

8 Huwag mo nang balikan ang dati mong kasalanan,magbago ka sa unang parusa pa lamang.

9 Huwag mong sabihing, “Pahahalagahan ng Panginoon ang aking pagsuyo,at lagi niyang tatanggapin ang bawat handog ko sa kanya.”

10 Huwag kang manghihinawang manalangin,at huwag mong kaliligtaan ang pagkakawanggawa.

11 Huwag mong pagtatawanan ang nasa kasawian;ang Panginoong nagpahintulot na siya'y mabigo, ang siya ring magkakaloob sa kanya ng tagumpay.

12 Huwag kang maghanap ng kasinungalinganna maipaparatang sa iyong mga kaibigan.

13 Huwag kang magsisinungaling kailanman,sapagkat walang kabutihang maidudulot ang ugaling iyan.

14 Sa kapulungan ng matatanda, huwag kang madaldal;sa iyong pananalangin, huwag kang paulit-ulit ng walang katuturan.

15 Huwag mong kainisan ang pagsasaka at paggawang nakakapagal,sapagkat iyan ay gawang itinakda ng Kataas-taasang Diyos.

16 Huwag kang umanib sa samahan ng mga makasalanan;tandaan mo, ang araw ng paghuhukom ng Diyos ay hindi na magtatagal.

17 Lubusan kang magpakumbabá,sapagkat apoy at uod ang parusang naghihintay sa makasalanan.

Pakikitungo sa Kapwa

18 Huwag mong ipagpalit sa salapi ang iyong kaibigan;kahit sa pinakamainam na ginto ay huwag ipagpalit ang isang tunay na kaibigan.

19 Huwag mong sayangin ang pagkakataong magkaroon ng isang matalino at mabait na asawa;higit pa sa ginto ang alindog niya.

20 Huwag mong pagmalupitan ang isang alilang tapat,o ang isang upahang mapagmalasakit.

21 Mahalin mong tunay ang isang mabuting alipin;huwag mong panghinayangang siya'y palayain.

22 Alagaan mong mabuti ang iyong mga kawan,at ipagpatuloy mo ang pag-aalaga niyon kung pinakikinabangan mo.

23 Mayroon ka bang mga anak na lalaki? Sanayin mo sila sa mabuting asal.Turuan mo silang maging masunurin mula sa pagkabata.

24 Mayroon kang mga anak na babae? Pangalagaan mo ang kanilang pagkabirhen.Huwag mo silang palalayawin nang labis.

25 Kapag nag-asawa na ang iyong anak na babae, natapos mo na ang isang mabigat na responsibilidad.Ngunit sikapin mong ang mapangasawa niya'y isang lalaking maunawain.

26 Kung mayroon kang butihing asawa, huwag mo siyang hihiwalayan.Ngunit huwag mong ipagkakatiwala ang iyong sarili sa isang babaing hindi mo mahal.

27 Igalang mo ang iyong ama nang buong puso,at huwag mong kalilimutan ang naging hirap ng iyong ina ng ikaw ay kanyang isilang.

28 Alalahanin mong kung hindi sa kanila ay di ka magiging tao;hindi mo matutumbasan kailanman ang ginawa nila para sa iyo.

29 Igalang mo ang Panginoon nang buong puso,at igalang mo ang kanyang mga pari.

30 Buong lakas mong ibigin ang Dakilang Lumikhaat mag-abuloy ka sa ikabubuhay ng kanyang mga lingkod.

31 Igalang mo ang Panginoon at igalang mo ang kanyang mga pari;ibigay mo sa kanila ang nauukol sa kanila:Ang mga unang bunga, ang handog para sa kasalanan, ang balikat ng handog na hayop,ang handog ng pagtatalaga— lahat ng mga ipinag-uutos na handog at alay.

32 Maging bukás-palad ka sa mahihirap,nang maging ganap ang pagpapala sa iyo ng Panginoon.

33 Magmagandang-loob ka sa mga buháy,at huwag mong ipagkait ang tulong mo sa mga patay.

34 Makiramay ka sa mga naulila ng isang mahal sa buhay,at makidalamhati ka sa kanila.

35 Huwag mong kaliligtaan ang pagdalaw sa mga maysakit,sapagkat kapag ginawa mo ito, mamahalin ka nila.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50 51