1 May pangaral na hindi napapanahon,kaya may taong nananahimik kahit siya'y marunong.
2 Mabuti pa ang manaway kaysa mag-apoy sa galit.
3 Ang tumatanggap ng kamalian ay nakaligtas sa kahihiyan.
4 Parang lalaking kapon na nagtatangkang makuha ang pagkababae ng isang dalaga,ang gumagamit ng dahas upang mapalabas ang matuwid.
5 Mayroong taong ipinapalagay na marunong sapagkat siya'y tahimik,at mayroong kinayayamutan dahil sa kanyang kadaldalan.
6 May taong nananahimik sapagkat walang malamang sabihin,at mayroon namang ayaw magsalita sapagkat hindi pa napapanahon.
7 Ang marunong ay naghihintay ng tamang pagkakataon,ngunit ang hangal ay walang tigil ng kadadaldal.
8 Ang mahabang magsalita ay kinaiinipan,at ang nagmamarunong ay kinaiinisan.
9 Mayroong kabiguang nauuwi sa mabuti,at mayroon namang tagumpay na humahantong sa kapahamakan.
10 Kung minsan, may pagmamagandang-loob na di mo papakinabangan,ngunit mayroon naman na dalawang ulit ang tatanggapin mong ganti.
11 May mga bagay na nawawala dahil sa karangalan,ngunit mula sa abang pinanggalingan, marami ang umaakyat sa tugatog ng tagumpay.
12 May nakakabili nang mura,ngunit nang magsiyasat siya'y pitong doble pala ang bayad niya.
13 Magsalita lamang ang marunong, marami na ang natutuwa,ngunit anumang papuri ang sabihin ng hangal, wala ring maniwala.
14 Wala kang papakinabangan sa regalo ng isang hangalpagkat ang gantimpalang hintay niya'y pitong ulit ng kanyang bigay.
15 Bawat munting kaloob niya'y may kasamang panunumbat,at kung siya'y magsalita, mahihiya ang trumpeta.Kapag ngayo'y umutang ka, bukas ay sisingilin ka agad niya.Sinong hindi magagalit sa kanyang kahangalan?
16 Lagi niyang hinanakit: “Mga kaibigan ko'y hindi tapat,mga walang utang na loob, di marunong magpasalamat.Matapos na pakainin ko, kung anu-ano pa ang isinusumbat!”
17 Kaya't siya'y laging kukutyain ng mga tao.
18 Mabuti pang madulas ang paa kaysa madulas ang dila;ito ang malimit maging sanhi ng pagbagsak ng masamang tao.
19 Ang taong may magaspang na ugali ay parang malaswang balita,lagi na lamang pinag-uusapan ng mga taong masama ang tubo ng dila.
20 Walang makikinig sa magandang aral kung galing sa hangal,sapagkat sinasabi niya iyon nang wala sa lugar.
21 Ang taong hindi makagawa ng masama dahil sa karukhaan,ay di liligaligin ng kanyang budhi pagdating ng gabi.
22 May nagpapatiwakal dahil sa maling kahihiyan;kikitlin niya ang kanyang buhay dahil sa kahangalan.
23 May nangangako sa kaibigan dahil lamang sa hiyang tumanggi,kaya lumilikha siya ng kaaway nang walang tunay na dahilan.
24 Isang maitim na batik sa isang tao ang magsinungaling,ngunit ang ganitong gawain ay mamamalagi sa labi ng mga hangal.
25 Mas mabuti pa ang magnanakaw kaysa sa sanay magsinungaling,subalit kapwa sila hahantong sa kapahamakan.
26 Ang pagsisinungaling ay ugaling kasuklam-suklam,at ang kasiraang-puri ng sinungaling ay panghabang-panahon.
27 Ang magaling magsalita higit na sasagana,at nakukuha ng matalino ang kalooban ng may kapangyarihan.
28 Pagbutihin mo ang pagbubungkal nang mag-ani ka nang sagana,kapag nakuha mo ang kalooban ng may kapangyarihan, patatawarin ka sa iyong mga pagkukulang.
29 Kahit sa matalino'y nakakasilaw ang panunuyo at regalo,nagiging busal na pumipigil sa kanya na magpahayag ng saway.
30 Ang karunungang di ginagamit ay tulad ng nakatagong kayamanan;hindi ito papakinabangan ninuman.
31-32 Mabuti pang di hamak ang hangal na nagtatago ng kanyang kamangmangan,kaysa isang marunong na ayaw gumamit ng kanyang karunungan.