1 Kung may paggalang ka sa Panginoon, ito ang gagawin mo:Magpapakadalubhasa ka sa Kautusan, upang makamtan mo ang Karunungan.
2 Sasalubungin ka niya, tulad ng isang ina,paglilingkuran ka, gaya ng asawang bagong kasal.
3 Dudulutan ka niya ng karunungan at kaalaman,na parang masarap na pagkain at inumin.
4 Sumandig ka at magtiwala sa kanya,at hindi ka magdaranas ng kabiguan.
5 Kapag nagsalita ka sa kapulungan, ituturo niya sa iyo ang iyong sasabihin;at magiging mas marangal ka kaysa iyong mga kasamahan.
6 Lalasap ka ng tunay na galak at kaligayahan,at hindi ka makakalimutan magpakailanman.
7 Ngunit ang Karunungan ay di man lamang masisilayan,ng mga mangmang at mahilig sa kasalanan.
8 Lalayuan ng Karunungan ang mapagmataas,at hindi siya papasok sa isipan ng sinungaling.
9 Hindi marapat na ang makasalanan ay umawit ng papuri,sapagkat hindi ito katanggap-tanggap sa Panginoon.
10 Ang pag-awit ng papuri ay pagpapahayag ng karunungan,sa pang-aakit na rin ng Panginoon.
11 Huwag mong sisihin ang Panginoon dahil sa iyong kasalanan,hindi niya gagawin ang kanyang kinamumuhian.
12 Huwag mong sabihing iniligaw ka niya.Hindi niya kailangan ang tulong ng mga imbi sa pagsasakatuparan ng kanyang mga panukala.
13 Namumuhi ang Panginoon sa lahat ng uri ng kasalanan;ang may paggalang sa kanya ay hindi naaakit ng anumang uri ng kabuktutan.
14 Sa pasimula pa, nang lalangin niya ang tao,ginawa na niya itong malaya na pumili ng kanyang nais.
15 Kung gusto mo, masusunod mo ang utos ng Panginoon,ikaw ang magpapasya kung magiging tapat ka sa kanya o hindi.
16 Naglagay siya sa harapan mo ng tubig at ng apoy,kunin mo ang iyong magustuhan.
17 Makakapili ka ng alinman sa dalawa: buhay o kamatayan,ang iyong mapili ang siya mong patutunguhan.
18 Dakila ang Karunungan at kapangyarihan ng Panginoon;nakikita niya ang lahat ng bagay.
19 Nalalaman niya ang lahat ng ginagawa ng bawat tao,at kinakalinga niya ang mga may takot sa kanya.
20 Kailanma'y wala siyang inutusang magpakasama,o pinahintulutang magkasala.