1 Mga anak, ako'y inyong ama, kaya makinig kayo.Gawin ninyo ito, at di kayo mapapahamak.
2 Sapagkat ang mga ama ay binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak,at iniuutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina.
3 Ang gumagalang sa kanyang ama'y nagbabayad na sa kanyang kasalanan,
4 at ang nagpaparangal sa kanyang ina'y parang nag-iimpok ng kayamanan.
5 Ang gumagalang sa kanyang ama'y paliligayahin naman ng kanyang mga anak,at ang panalangin niya'y agad diringgin ng Panginoon.
6 Pahahabain ng Diyos ang buhay ng nagpaparangal sa kanyang mga magulang—siya na sumusunod sa Panginoon.
7 Ang may paggalang sa Panginoong Diyos ay gumagalang sa kanyang mga magulang,at pinaglilingkuran niya ang kanyang magulang na parang panginoon niya.
8 Igalang mo ang iyong ama sa salita at sa gawa,upang sumaiyo ang kanyang pagpapala.
9 Pinatatatag ng pagpapala ng isang ama ang pamumuhay ng mga anak,ngunit ito ay sinisira ng sumpa ng isang ina.
10 Huwag mong ipagkakalat ang kahihiyan ng iyong ama,sapagkat ang kanyang kahihiyan ay hindi mo ikararangal.
11 Ikararangal ng sinuman ang gumalang sa kanyang ama,at kahihiyan ng mga anak ang di gumalang sa kanilang ina.
12 Anak, kalingain mo ang iyong ama kapag siya'y matanda na,at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.
13 Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;huwag mo siyang lalapastanganin ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.
14 Ang paglingap mo sa iyong ama ay di malilimutan,iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.
15 Ang ginawa mo sa iyong ama ay aalalahanin ng Panginoon,at ang mga kasalanan mo'y matutunaw na parang yelo pagdating ng tag-init.
16 Ang sinumang magpabaya sa kanyang ama ay para nang lumapastangan sa Diyos,at ang gumagawa ng ikagagalit ng ina'y susumpain ng Panginoon.
17 Anak, maging mapagpakumbabá ka sa pagtupad ng tungkulin,at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.
18-19 Habang ika'y dumadakila, lalo ka namang magpakumbabá;sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon.
20 Sapagkat kahanga-hanga ang kapangyarihan ng Panginoonat dinadakila siya ng mga nagpapakumbabá.
21 Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.
22 Sundin mo ang Kautusang bigay sa iyo ng Panginoon;huwag mong pagkaabalahan ang inilihim niya sa iyo.
23 Huwag mong pakialaman ang di mo saklaw,sapagkat marami sa mga itinuro sa iyo ay lampas sa pang-unawa ng tao.
24-25 Maraming naliligaw dahil sa kanilang pabigla-biglang hatol;napilipit ang kanilang isipan ng kanilang maling palagay.
26 Ang matigas ang ulo'y daranas ng pasakit sa bandang huli;ang mahilig sa panganib ay ipapahamak nito.
27 Ang matigas ang ulo'y laging nasusubo sa ligalig;ang nawili na sa kasalana'y palaging magkakasala.
28 Walang katapusan ang kapighatian ng palalo;nag-ugat na ang kasamaan sa kanyang puso.
29 Pinahahalagahan ng matalino ang mga talinhaga;nakikinig ang marunong pagkat nais niyang matuto.
30 Kung ang tubig ay pumapatay ng apoy,ang pagkakawanggawa ay pumapawi ng kasalanan.