1 Kapag humipo ka ng alkitran, pilit kang marurumihan;kapag lagi kang sumama sa mga palalo, di malayong matulad ka sa kanila.
2 Huwag kang bubuhat ng hindi mo kaya;ganyan ang sasapitin mo, kapag nakisalamuha ka sa mas mayaman at malakas kaysa iyo.Hindi maaaring pagtabihin ang kaldero at palayok,tiyak na durog ang palayok kapag sila'y nagkaumpugan.
3 Kapag ang mayaman ay nakasakit, siya pa ang may ganang magalit,at ang dukhang napinsala ay siya pang dapat humingi ng kapatawaran.
4 Habang pinakikinabangan ka ng mayaman, hindi ka niya bibitiwan,ngunit kapag ikaw naman ang nangailangan, saka ka niya pababayaan.
5 Habang ikaw ay may ari-arian, kasama mo siyang palagi,at huhuthutan ka niya hanggang sa ikaw ay mamulubi.
6 Kapag may kailangan siya sa iyo, lilinlangin ka niya nang husto,ngingitian ka at pupurihin, at talagang papapaniwalain.Sasabihin pa niya sa iyo, “Ano ang maipaglilingkod ko?”
7 Pakakainin ka niya nang pakakainin, hanggang sa mapahiya kang siya'y biguin.Pagkatapos, dalawa o tatlong beses kang pagsasamantalahan,at sa wakas ikaw pa ang pagtatawanan.At sakaling kayo'y muling magkita,lalampasan kang wari'y di kakilala.
8 Huwag kang labis na magtitiwala kaninuman,nang huwag kang mapahiya dahil sa iyong kahangalan.
9 Kapag inanyayahan ka ng isang may kapangyarihan,huwag ka agad sasama; sa gayon, lalo ka niyang pipilitin.
10 Huwag kang labis na didikit sa kanya at baka ikaw ay kayamutan,huwag ka rin namang labis na lalayo at baka ka niya malimutan.
11 Sa pakikitungo'y huwag kang papantay sa kanya.Huwag kang magtitiwala agad sa kanyang mga sinasabi.Sa inyong mahabang pag-uusap ay sinusubukan ka niya,at pangiti-ngiti ka niyang sinisiyasat.
12 Walang habag ang taong nagbubunyag ng iyong lihim,at hindi ka niya panghihinayangang saktan o ipabilanggo.
13-14 Mag-ingat ka, at magmatyag na mabuti,sapagkat ang tinutungo mo'y sariling kapahamakan.
15 Minamahal ng bawat nilalang ang kanyang katulad,iniibig naman ng tao ang kanyang kapwa.
16 Hinahanap ng bawat nilikha ang kanyang kauri,nakikipag-ugnay naman ang tao sa kanyang kapwa-tao.
17 Hindi maaaring makisalamuha ang tupa sa asong-gubat;gayundin ang banal sa makasalanan.
18 Hindi maaaring magsalo ang asong alaga at ang asong-gubat;gayundin ang mayaman at ang dukha.
19 Kinakain ng mga leon ang mga asnong ligaw na nasa ilang;ang mahihirap nama'y pinagsasamantalahan ng mayayaman.
20 Kinasusuklaman ng palalo ang mababang-loob,at kinamumuhian ng mayaman ang maralita.
21 Kapag nadapa ang mayaman, inaalalayan siya ng mga kaibigan,ngunit kapag mahirap ang nabuwal, itinatakwil siya ng mga kasamahan.
22 Kapag natisod ang mayaman, maraming kamay ang sasalo sa kanya,at magsalita man siya nang walang katuturan, para sa kanila iyon ay makatuwiran.Ngunit kapag natisod ang mahirap, siya pa ang sinisisi,at kahit mabuti ang kanyang sinasalita, wala namang nagpapahalaga.
23 Kapag mayaman ang nagsasalita, ang lahat ay tumatahimik,at bawat sabihin niya'y pinupuri hanggang langit.Ngunit kapag nagsalita ang mahirap, “Sino ba siya?” tanong nila,at kung siya ay madulas, ipinagtutulakan pa siya.
24 Ang kayamanan ay mabuti kung hindi kinamtan sa masamang paraan,at ang karukhaan naman ay kasawian lamang sa paningin ng makasalanan.
25 Ang niloloob ng tao'y nababakas sa kanyang mukha,maging iyon ay mabuti, maging iyon ay masama.
26 Ang maaliwalas na mukha ay tanda ng malinis na budhi,madilim at masalimuot ang mukha ng may malalim na iniisip.