1 Huwag mong kakalabanin ang makapangyarihan,baka ka mahulog sa kanyang mga kamay.
2 Huwag kang mangangahas lumaban sa mayaman;tiyak na tatalunin ka niya sa pamamagitan ng kanyang kayamanan.Marami na ang nasilaw sa kislap ng ginto;pati ang isipan ng mga hari ay ginugulo ng salapi.
3 Huwag kang makikipagtalo sa madaldal,lalo mo lang gagatungan ang kanyang kadaldalan.
4 Huwag mong pagtatawanan ang taong walang modo,kung hindi mo nais na pati ang mga nuno mo'y laitin niya.
5 Huwag mo nang kagalitan ang taong nagsisisi na;alalahanin mong tayong lahat ay nagkakasala.
6 Huwag mong hahamakin ang isang tao dahil sa kanyang katandaan,sapagkat tatanda rin tayong tulad niya.
7 Huwag mong ikatuwa ang pagkamatay ng isang tao;alalahanin mong tayong lahat ay mamamatay.
8 Huwag mong hahamakin ang pangaral ng marurunong,sa halip ay pag-aralan mong mabuti ang kanilang mga kasabihan;makakapulot ka roon ng maraming karunungan,at matututunan mong maglingkod sa mga may kapangyarihan.
9 Pag-aralan mo ang turo ng matatanda,sapagkat sila man ay nag-aral din niyon sa kanilang mga magulang.Matututo ka sa kanila ng pang-unawa,at mayroon kang maisasagot kapag kinailangan.
10 Huwag mong pagsiklabin ang galit ng makasalanan,baka ka maramay sa ningas ng kanyang poot.
11 Huwag kang mapipikon sa kabastusan ng isang tao;iyan lamang ang hinihintay niya upang siluin ka sa iyong pangungusap.
12 Huwag kang magpapautang sa mas malakas kaysa sa iyo;at kung nagpautang ka na, ituring mo iyong nawala na.
13 Huwag kang gagarantiya nang higit sa iyong kaya,at kapag ikaw ay gumarantiya, humanda ka sa pagbabayad.
14 Huwag kang makikipag-asunto sa isang hukom,sapagkat alang-alang sa tungkulin niya, tiyak na papapanalunin nila siya.
15 Huwag kang sasama sa taong walang modo,malamang na dahil sa kanya ay mapasubo ka sa gulo,sapagkat gagawin niya ang gusto niya,at dahil sa kanyang kahangalan, pati ikaw ay maaaring masawi.
16 Huwag kang makipaglaban sa taong magagalitin,huwag ka ring sasama sa kanya sa pook na walang tao,sapagkat siya'y hindi natatakot pumatay ng tao,at maaaring paslangin ka niya, kapag walang makakatulong sa iyo.
17 Huwag mong sasabihin ang panukala mo sa isang hangal,sapagkat hindi siya marunong mag-ingat ng lihim.
18 Huwag kang gagawa ng di dapat malaman ng iba sa harapan ng di mo nakikilalang tao,sapagkat hindi mo alam kung ano ang maaaring gawin niya sa iyo.
19 Huwag mong sasabihin ang binabalak mo sa lahat ng tao;kapag nagkagayon, para mo nang itinapon ang pagkakataon mong magtagumpay.